MAARI nang makapasok ng Malaysia ang mga dayuhan na may hawak ng long-term visit pass epektibo simula ngayong Nobyembre 1.
Inanunsyo ng Malaysia Immigration Department na ang mga dayuhan na may hawak ng Malaysian long-term visit pass ay pahihintulutan nang makapasok sa bansa nang hindi dadaan sa proseso ng aplikasyon gamit ang my travel pass entry system.
Ang naturang abiso ay epektibo simula ngayong Nobyembre 1.
Ayon kay Immigration Department Director-General Datuk Khairul Dzaimee Daud, ang naturang abiso ay napagdesisyunan ng special committee on pandemic management meeting na ginanap noong Oktubre 22.
Aniya ang mga long term visit pass holder na pinapayagan nang makapasok sa bansa nang walang my travel pass entry approval ay ang mga diplomatiko, payroll pass holder, foreign house keeper, mga permanent resident, long term pass holder, senior citizen pass holder at student pass holder.
Bukod dito, maaari na ring makapasok nang walang my travel pass application ang mga dayuhang may hawak ng Malaysia My second home o MM2h, resident pass, mga may hawak ng temporary employment pass at mga foreign house maid.
Habang ang mga kategorya naman ng visa na hindi nabanggit ay kinakailangan paring kumuha ng my travel pass application bago pormal na makapasok ng Malaysia gaya ng social visit pass, expire na long term trip pass, short term business traveller at iba pa.
Gayunpaman, nilinaw parin ng Malaysian Immigration na kinakailangan paring sumailalim sa existing immigration rules ng ahensya ang mga dayuhan gayundin ang pagdaan ng mga ito sa proseso ng health screening na itinalaga ng ministry of health sa mismong araw ng kanilang pagdating sa bansa.