DAAN-daang doktor sa South Korea ang nagprotesta sa harap ng presidential office sa Seoul noong linggo upang tutulan ang plano ng gobyerno na paramihin ang mga estudyanteng makakapag-enroll sa medical schools.
Plano ng gobyerno na itaas ang medical school admission sa dalawang libo sa 2025 Academic Year na naglalayong itaas ang bilang ng doktor sa sampung libo sa 2035.
Bago ang ginanap na protesta, ang mga doktor mula sa ibat ibang lugar sa bansa ay nagsagawa ng pagpupulong sa pangunguna ng Korean Medical Association.
Hiniling ng asosasyon sa gobyerno na kanselahin ang plano at inihayag na ang mas maraming estudyante ay magpapababa lamang sa kalidad ng medical education sa South Korea at hindi naman nito mareresolba ang medical resources imbalance ng bansa.
Ayon sa gobyerno, ipagpapatuloy nito ang implementasyon ng nasabing polisiya at magsasagawa ng karampatang aksyon ukol sa pagbibitiw ng mga doktor sa mga pampubliko at pribadong ospital.
Matatandaan na kinansela ng malalaking ospital sa South Korea ang mga naka-iskedyul na mga operasyon at ibang treatment procedure dahil sa mga nagpoprotestang doctor.
Naniniwala ang gobyerno ng South Korea na kakailanganin ng mas maraming medical workers sa bansa sa hinaharap pero ayon sa mga doktor, dahil patuloy ang pagbaba ng birth rate ay hindi magkakaroon ng kakulangan ng doktor.