Mga dumadalaw sa mga puntod sa Manila Memorial Park bago ang Undas, nagsimula nang dumagsa

Mga dumadalaw sa mga puntod sa Manila Memorial Park bago ang Undas, nagsimula nang dumagsa

UNTI-unti na ngang dumadagsa ang mga bisita na dumadalaw sa puntod ng kanilang mga mahal sa buhay sa Manila Memorial Park.

Ayon sa pamunuan ng nasabing sementeryo, nasa halos 50,000 na ang bumisita sa lugar simula pa nitong Linggo.

Isa si Nanay Arcenia ang bumisita sa puntod ng kaniyang mahal sa buhay sa Manila Memorial Park.

Sa edad na 89 taong gulang, inagahan na niya ang pagbisita sa sementeryo bago ang Undas dahil sa ilang mga dahilan.

“Unang-una nga may bagyong darating, ang lakas daw nung super at pagkatapos napakadaming tao dito at siyempre ang bulaklak mas magmamahal kaya ngayon pa lang nagpupunta na kami,” ayon kay Arcenia Morales, dumalaw.

Si Romana naman ay babalik pa rin siya sa Nobyembre 1 para dumalaw sa kaniyang yumaong tiyahin.

Taga-Antipolo pa kasi sila nakatira, kaya hindi magiging madalas ang pagbisita nila.

“Although, isa lang ang anak niya, wala dito, talagang marami na, halos araw-araw,” wika ni Romana, dumalaw.

Sinabi ni Engr. Rizzalyn Acosta, Assistant Manager ng Manila Memorial Park, inaasahan na mas dadami ang dadagsang bisita sa mga susunod na araw bago ang nakatakdang araw ng Undas.

“Last weekend Sunday, nagkaroon na tayo ng bisita at dumagsa na ang mga tao around 40,000 visitors noong Sunday po, expected na this coming days pa po, dadami pa ng dadami ang ating visitors,” ayon kay Engr. Rizzalyn Acosta, Assist. Manager – Park Operations, Manila Memorial Park.

Kinumpirma rin ni Acosta na walang miyembro pa ng pamilya Aquino ang dumalaw sa puntod nina dating Pangulong Cory Aquino, dating Sen. Ninoy Aquino, at dating Pangulong Noynoy Aquino.

Wala rin aniyang abiso sa ngayon kung kailan dadalaw sa Manila Memorial Park ang mga Aquino.

Araw ng Martes, makikitang wala pang nag-alay ng mga bulaklak sa puntod ng mga Aquino.

Isa naman sa mga naging kaibigan ng dating Pangulong Noynoy ang aming naabutan na bumisita.

“Incidentally my parents, my relatives, are also buried here and some friends, and of course Noynoy is a friend,” ani Louie Gloria, dumalaw.

Bukod sa mga Aquino, ilang kilalang personalidad na nakahimlay sa Manila Memorial Park ay ang dating actor na si Rico Yan, Paquito Diaz, ang kilalang aktres na si Chat Silayan, Radio and TV personality na si Helen Vela, si dating Pasay City Mayor Pablo Cuneta, at marami pang iba.

Tiniyak naman ni Acosta na nakikipagtulungan sila sa Philippine National Police at Parañaque LGU para sa seguridad sa loob at sa labas ng sementeryo.

“As of today po nag-start na ng posting ang PNP ng kapulisan natin, nandidito na sila sa Manila Memorial Park to monitor and to assure the public na safe sa loob ng park, and the coordination ng LGU with the city hall, were coordinating to properly address at saka expecting talaga the number of people to come in, mas mataas comparing to the previous years,” ani Acosta.

Sa huling tala, nasa mahigit 250,000 na ang nakalibing sa nasabing sementeryo.

Samantala, narito naman ang paalala ng pamunuan ng park.

“Muling pinapaalalahanan po ang publiko na kung ano ‘yung pinagbabawal tulad po ng alak, matutulis na bagay na maaring makasakit, mga bagay na maaring produkto ng pagsusunog, iyon po ang pinagbabawal sa loob ng park.”

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble