MAKIKITA ang malaking pagkakaiba sa kampanya ng administrasyon at ng Duterte senatorial slate—mula sa dami ng dumadalo hanggang sa sigla ng kanilang pagtanggap.
Sa isang campaign sortie, sinabi mismo ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang kaniyang obserbasyon sa mga rally na kaniyang dinadaluhan.
Natutuwa aniya ito sa suporta ng mga tao sa ikinakampanya niyang senatorial line-up.
Pero si dating Chief Legal Counsel Salvador Panelo, iginiit na malayong-malayo ang tinatawag na crowd reception sa mga campaign rally ng administrasyon at ng line-up ni in-endorso ni dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte. Sabi ni Panelo—sobrang layo ng agwat!
“Hindi niyo ba napapansin? Meron silang malaking lugar, pagkatapos nandoon nakaupo sa silya—organisadong-organisado. Isa lang ang ibig sabihin niyan. Kung ikukumpara mo doon sa mga rally ni Digong, aba’y talagang ubod ng dami ng tao,” saad ni Atty. Salvador Panelo, Former Chief Presidential Legal Counsel.
Sa Proclamation Rally ng Duterte Senatoriables sa San Juan, nagkumpulan at nag-unahan ang mga tao na makapasok sa indoor venue. Dito inanunsiyo ang Magic 9 Duterte Senatoriables.
Kasama rito ang reelectionists na sina Bong Go at Bato Dela Rosa, action star na si Philip Salvador, at mga abogado na sina Atty. Jimmy Bondoc, Atty. JV Hinlo, Atty. Vic Rodriguez, Atty. Raul Lambino, at Atty. Rodante Marcoleta.
Kabilang din sa Duterte Senatorial Slate si KOJC Founder Pastor Apollo C. Quiboloy, na nagsusulong ng death penalty laban sa korapsiyon at zero corruption policy sa Mataas na Kapulungan.
Matindi rin ang naging pagtanggap sa Duterte Senatoriables sa indignation rally ng Maisug-Cebu, kung saan nagpakita ng suporta ang libu-libong katao.
Samantala, pinagkaguluhan din ang pinakabagong campaign sortie na “Ayusin Natin ang Pilipinas” sa Pansol, Laguna, pati na rin sa 15 iba pang lugar sa buong bansa, kung saan sinalubong ng masa ang Lucky 9 Duterte Slate.
“Tingnan niyo ang mga rally niyo? Masyadong tamed! Tamed na tamed! Tingnan niyo ‘yung kay Digong—spontaneous! Nagdaratingan na lang dun! Eh ‘di ba umattend ako ng rally doon sa Cebu, ‘yung pinuntahan mo? Hindi ako makalabas eh! Sa dami ng tao, I had to wait for an hour and a half para ako makalabas,” ani Panelo.
Sa gitna ng nagpapatuloy na kampanya—hindi lang pangalan ng mga kandidato ang sinusukat kundi pati ang tunay na sigaw ng taumbayan.
Mahalagang ikunsidera na ang dami at dedikasyon ng dumadalo sa mga rally ay sumasalamin din sa tunay na damdamin ng sambayanan.
Sa huli, hindi lang entablado at slogan ang magpapasya—kundi ang tinig ng masa sa darating na halalan.