DAHIL malapit na ang Pasko, hinimok ni Senador “Idol’ Raffy Tulfo ang Department of Labor and Employment (DOLE) na pumasok sa isang memorandum of agreement (MOA ) kasama ang mga local government units (LGUs) upang maobliga ang mga employers na magbayad ng 13th month pay sa tamang oras.
Sa joint hearing ng Senate Committee on Labor and Employment and Human Resources Development noong Oktubre 4, sinabi ni Tulfo na dapat pumirma ang DOLE at ng Business Permits and Licensing Office (BPLO) ng MOA para harangin ang renewal ng business permits ng mga hindi sumusunod at hindi nagbabayad ng mga employers.
“Magpa-Pasko na po. This is the time of the year kung saan inaasam ng ating mga manggagawa na makatanggap po sana sila ng kanilang 13th month pay. Ang nangyayari po kasi kadalasan ay hindi naibibigay ito sa kanila dahil ginugulangan at dinudugasan sila ng kanilang mga employers,” ani Tulfo.
Sa ilalim ng batas, dapat matanggap ng mga empleyado ang kanilang 13th month pay sa araw na hindi lalampas sa Disyembre 24 ng bawat taon.
Pero kahit mayroon ng batas tungkol dito, maraming mga employers pa rin ang hindi nagbabayad sa tamang oras.
Sinabi ni Tulfo, na isang beteranong broadcaster at public servant na host din ng “Wanted sa Radyo,” marami na siyang reklamong natanggap mula sa mga manggagawa na hindi nakatanggap ng 13th month pay.
Sa MOA, sinabi ni Tulfo na dapat malinaw na ang mga kompanyang nagre-renew ng kanilang business permits ay dapat munang magpakita ng ebidensya sa BPLO na naibigay na nila ang 13th month pay ng kanilang mga empleyado at nai-release ito sa tamang oras.
Sinabi ni Tulfo kay DOLE Asec. Leonard Constantine-Serrano na hindi sapat ang pagbibigay lamang ng mga advisories na nag-aatas sa mga employer na i-release ang 13th month pay ng kanilang mga empleyado.
“Hangga’t hindi po sila nasasaktan, balewala po ‘yang advisory na yan dahil kahit nga may batas na tungkol sa 13th month pay ay sinusuway pa din ito ng mga employers. Kailangan po makatikim sila ng consequence para sila po ay umaksyon,” saad ni Tulfo.
Upang alertuhan ang mga employer tungkol sa MOA na ito, iminungkahi ni Tulfo na dapat maglabas ng opisyal na pahayag ang DOLE sa media na binabalaan ang mga employers sa posibleng hindi pag-renew ng kanilang business permit sakaling hindi sila sumunod.