NAGLABAS na ng Notice to Airmen (NOTAM) ang Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) upang bawalan ang mga eroplano na dumaan malapit sa Bulkang Taal, Mayon, at Kanlaon.
Inihayag ng CAAP na naglabas na sila ng NOTAM dahil nakataas na ang alert levels ng Bulkang Mayon, Taal at Kanlaon.
Inilagay na ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) ang Bulkang Mayon sa Alert Level 2 pa rin at Alert Level 1 naman ang Taal at Kanlaon.
Dahil dito inihayag ng CAAP, araw ng Martes ang kanilang pagpapalabas ng NOTAM para mailagay sa ligtas ang mga eroplano.
Sa Alert Level 1 ang Bulkang Kanlaon dahil nanatiling abnormal ang kondisyon nito.
Kaugnay nito, ang mga flight operator ay mahigpit na pinapayuhan na iwasan ang paglipad ng eroplano malapit sa tuktok ng bulkan dahil sa posibilidad ng biglaan at mapanganib na phreatic eruptions.
Ang Bulkang Taal ay nasa Alert Level 1 o low-level unrest, ibig sabihin ang bulkan ay nagpapahiwatig ng mababang antas ng kaguluhan.
Pinapayuhan ang mga flight operator na umiwas sa tuktok ng bulkan dahil ang airborne ash at ballistic fragment na nagreresulta mula sa biglaang pagsabog ay maaaring magdulot ng malaking panganib sa sasakyang panghimpapawid.
Ipinagbabawal din ang pagpasok sa isla kung saan matatagpuan ang Bulkang Taal.
Habang ang Bulkang Mayon ay nasa Alert Level 2 o increasing unrest.
Kagaya ng ibang bulkan, ang mga flight operator ay mahigpit din na pinapayuhan na iwasan ang paglipad ng eroplano malapit sa tuktok ng bulkan na dapat 10,000 feet ang layo ng eroplano sa bulkan.
“Ibig sabihin well so far po, kamukha noong ating Mayon ano, ‘pag Alert Level 2 po, dapat malayo talaga iyong eroplano – 10,000 feet above the ground, hindi sila puwedeng lumipad diyan. At doon sa mga kababayan naman nating malapit doon sa lugar ay 6 – kilometer radius po, hindi sila dapat dumikit doon sa bulkan. Ngayon po, iyong Alert Level 1 naman po, pareho rin po – 10,000 feet above the ground but iyong sa kaso noong Taal, iyong buong isla po bawal at iyong Kanlaon po ay 4-kilometer radius from the crater,” ayon kay Eric Apolonio, Spokesperson CAAP.
Tiniyak din ng CAAP na may ginawa na silang paghahanda sakaling pumutok ang mga naturang bulkan.
Ang CAAP ay nagpapatakbo ng pitong paliparan sa rehiyon ng Bicol, katulad ng Bulan Airport, Sorsogon Airport, Daet Airport, Masbate Airport, Naga, Virac Airport, at Bicol International Airport.
“Well, mayroon na po tayong tinatawag na preparation dito ‘no. Actually normal naman po itong mga volcano alert at taun-taon naman po mayroon tayong nagiging eksperyensiyang ganito, at binibigyan lang ho natin immediately noong paalala iyong mga nasabing airline operator, kung papaano sila iha-handle nitong nasabing issue” ani Eric Apolonio.
Tiniyak din ng CAAP na binibigyan nila ng impormasyon ang mga biyahero na i-monitor sa kanilang mga airline concern kung sakali mang magkaroon ng flight cancellation or flight delays iyong malapit na mga nasabing airport.