Mga espekulasyon kung sinong may ambisyong maging presidente sa 2028, sinagot ni FPRRD

Mga espekulasyon kung sinong may ambisyong maging presidente sa 2028, sinagot ni FPRRD

SINAGOT ni dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte ang mga espekulasyon kung sinong may ambisyong maging pangulo ng bansa sa 2028.

Malayo pa ang taong 2028 presidential election ngunit marami nang mga espekulasyon kung sino ang mga nag-aambisyong maging pangulo ng bansa.

Naging sentro ang isyu dahil sa confidential fund na hiling ni VP Sara Duterte para sa Office of the Vice President (OVP) at Education Department ngunit sa kalauna’y binawi ni VP Sara ang hiling na pondo.

Sabit nga rin si House Speaker Martin Romualdez dahil sa umano’y pakikipag-alyansa nito sa mga makakaliwang grupo at pagkakaroon ng ambisyong tumakbong pangulo sa 2028.

Bagay naman na itinanggi ni Speaker Romualdez.

FPRRD, muling hinamon ang mga kongresista na ilabas ang kanilang libro

Ngunit sa kaniyang Programang Gikan sa Masa Para sa Masa, muling tinumbok ang usaping ito ni dating Pangulong Duterte.

Tanong ng dating Pangulo kay Speaker:

“Magkano na ang binigay ni Speaker sa inyong mga LEFT? Kasi baka ‘yang pera na ibinigay sa inyo, extra sa inyong mga salary, ‘yung mga projects, projects. Yung tawag nilang pork barrel. Yan ang dapat na malaman ng mga Pilipino. Ngayon gusto ko nga malaman, open the books. ‘Yan ang gusto kong tignan kung magkano na ang nakuha ninyo sa gobyerno na naibigay sa kamay ninyo. Gusto naming tingnan, kasi, well binigay ninyo sa NPA walang suweldo yan sila eh,” pahayag ni dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte.

Samantala, matatandaang kamakailan din ay nabanggit ng dating Pangulo na maiging bantayan ang hanay ng kapulisan at militar dahil may sariling tayo o posisyon ang mga ito pagdating sa seguridad ng bansa.

Bagay na pinuna ni House Majority Leader at Zamboanga City District Representative Manuel Jose “Mannix” Dalipe at ipinanawagan sa dating Pangulo na huwag idamay ang pulis at militar mula sa aniya ay “partisan intrigues” na maaring maging hamon sa kanilang propesyon.

FPRRD, hindi gumagawa ng intriga kundi nais lamang malaman kung saan napupunta ang pera ng bayan

Sagot naman ng dating Pangulo:

“Ito si Dalipe, you are maybe short sighted or whatever. Alam mo adre Mannix dumaan ako pagka Mayor, hindi naman ako nagyayabang, 23 years, daan ako ng Congressman kagaya mo,” ayon pa kay FPRRD.

“No, it is not an intrigue. Gusto talaga malaman ng AFP kaya lang hindi lang makasabi ‘yang sundalo eh, silent lang ‘yan sila. Pero pinag-uusapan namin ‘yan, kasi ex-President ako. Do not be so onioned-skin. We have every right to ask or demand or see where are the money for the people,” dagdag ng dating Pangulo.

At bilang vice chairman ng NTF-ELCAC at DepEd Sec., layon ng anak nitong si VP Inday Sara na tuluyang mawakasan ang terorismo sa bansa ngunit una nang inihayag na wala itong ambisyon na tumakbo sa pagkapangulo.

Kaugnay nito ay nabanggit din ni Dalipe na masyado pang maaga para pag-usapan ang umano’y ambisyon sa pagkapangulo ni House Speaker Romualdez.

FPRRD, pinaalalahanan si Dalipe na maging maingat sa kaniyang mga pananalita

Sagot naman ng dating Pangulo, dapat na maging maingat si Dalipe sa mga binibitawan nitong salita.

“Alam mo kayo Dalipe and company, remember this. The presidency is God given. Ayan din ang sinabi ko kay Inday.”

“Hindi ko nga alam bakit ako na president hanggang ngayon. Anak ng… totoo, hindi ko talaga alam. Wala akong pera, wala akong ano. Basta.”

”Alam mo pag ayaw ka ng Diyos maging president, patayin ka niya. Ihulog ‘yung eroplanong sinakyan mo o madisgrasya ka, ma heart attack ka. Ganun lang yun.”

“God will eliminate the others to pave the way for His chosen. God-given talaga ‘yang leadership.”

“So, ‘adre, magdahan-dahan ka lang. I know that you are the mouthpiece of, be careful of what you utter. It might not really be politically correct,” pahayag ni FPRRD.

  Follow SMNI NEWS on Twitter