Mga establisimyento, pabor sa safety seal requirement na posibleng ipatupad ng DILG

Mga establisimyento, pabor sa safety seal requirement na posibleng ipatupad ng DILG

INANUNSYO ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na posibleng maging mandatory na sa bawat establisimyento ang pagkakaroon ng safety seal bago makakuha o mag-renew ng kanilang business permits.

Ang naturang seal ay patunay na sila ay sumusunod sa minimum health protocols dahil hindi pa rin nawawala ang banta ng COVID-19 sa bansa bagama’t nasa Alert Level 1 na.

Sa katunayan, pabor ang ilang establisimyento na dapat maging mandatory ito.

Anila, malaking tulong din ang pagkakaroon ng safety seal dahil tumataas ang kumpyansa ng kanilang mga customer na pumapasok at kumukuha ng kanilang serbisyo dahil sila ay nakasunod sa mga alituntunin ng pamahalaan.

Kasabay nito, inilahad naman ng isang sales associate kung bakit karamihan sa mga establisimyento ay hindi kumukuha ng safety seal.

Bagama’t magastos, tinitiyak nila na nasusunod nila ang bawat health protocols lalot sila ay close contact sa kanilang mga kustomer.

Anila, sinisiguro nila na sila ay bakunado laban sa virus lalot isa sila sa matatawag na frontliners dahil kahit may pandemya tuloy-tuloy ang kanilang pagbibigay serbisyo sa mamamayang Pilipino.

Matatandaang, tinatalakay na rin ng Inter-Agency Task Force ang usapin upang isapinal ang joint memorandum circular sa mga lokal na pamahalaan para sa pagpatutupad nito.

Sinabi pa ng DILG, maaaring utusan ng mga lokal na pamahalaan ang bawat establisimyento na magkaroon ng safety seal certificate bago aprubahan o i-renew ang anumang business permit nila.

Upang maging sertipikado, lahat ng on-site na manggagawa ng establisimyento ay dapat fully vaccinated at dapat may sapat na bentilasyon.

Sa ngayon, higit 75,000 establisimyento sa bansa ang nakatanggap ng safety seal habang nasa 20,000 pa rito ang naka-iskedyul para sa inspeksyon.

Maliban sa DILG, mananatiling mandato rin ng DTI sa bawat business establishments na magkaroon ng safety seal certification kahit nasa ilalim na ang isang lugar sa COVID-19 Alert Level 1.

Pero, maari pa ring makansela ang safety seal ng establisimyento kung mahuhuli itong lumalabag sa mga panuntunan sa Alert Level 1.

Una nang sinabi ng pamahalaan na mananatili ang minimum public health standards kahit nasa Alert Level 1, tulad ng pagsusuot ng face mask at paghuhugas ng kamay dahil patuloy pa rin ang banta ng COVID-19 sa bansa.

Follow SMNI News on Twitter