Mga estero sa Metro Manila, malaki ang ipinagbago makalipas ang 2 taon

Mga estero sa Metro Manila, malaki ang ipinagbago makalipas ang 2 taon

MALAKI ang ipinagbago ng mga estero at ilog sa Metro Manila makalipas ang nakaraang 2 taon ayon sa Department of Environment and Natural Resources (DENR).

Mula kasi sa mabaho at puno ng mga basura, luminis na ang mga ito at bumaba ang coliform level.

Ayon sa DENR mas tumaas ang level of awareness ng mga residente ng Metro Manila ukol sa tamang pagtatapon ng basura at halaga ng paglilinis ng mga estero sa komunidad.

Kung ikukumpara noon, malaki na raw ang ipinagbago ng Estero de San Miguel sa lungsod ng Maynila.

Kuwento ng mga taga-Brgy. 389, tambak na ng mga basura ang naturang estero noon.

Ito anila ang pangunahing sanhi ng masangsang na amoy sa lugar at pagkasakit ng mga residente.

Pero dahil sa pag-aksyon ng komunidad katuwang ang lokal na pamahalaan at ng national government, unti-unti nang luminis at gumanda ang Estero de San Miguel.

Malayo na raw ito anila sa dati nitong itsura.

Kaya noong March 2022, kinilala ang Estero de San Miguel bilang ‘Most Improved Estero’ sa Gawad Taga-Ilog 2.0 ng DENR.

Kung ang DENR ang tatanungin, malaki na ang pagbabago sa mga ilog dahil sa tuluy-tuloy na paglilinis ng mga estero at daluyan ng tubig sa rehiyon.

Samantala, ilulunsad ng DENR ang Gawad Taga-Ilog 3.0 upang muling kilalanin ang mga LGU na walang humapay sa paglilinis at pagpapaganda ng kanilang mga estero at daluyan ng tubig.

Ang bawat LGU sa Metro Manila ay maaaring mag-nominate ng isang estero o waterways sa ilalim ng kanilang jurisdiction.

Paparangalan ang mga ito sa buwan ng Marso ng susunod na taon.

Kabilang sa batayan ng mga hurado ay ang solid waste management; liquid waste management; informal settler families and illegal structures management; habitat and resources management; at sustainability at partnership management.

Follow SMNI NEWS in Twitter