Mga estudyante, bawal na pumasok sa mga mall at movie houses

UMAPELA ang Palasyo sa pamunuan ng mga mall at movie houses na makipagtulungan sa direktiba ng pamahalaan na pagbawalan ang mga estudyante na pumasok dito kasunod na rin ng pagkalat ng coronavirus o COVID-19.

Sa press briefing sa Malakanyang, sinabi ni Presidential Spokesperson Salvador Panelo na kapag may nakitang mga estudyante na gumagala sa pampublikong lugar sa gitna ng class suspension, pagsasabihan ang mga ito na umuwi na ng bahay at kung hindi susunod ay tatawagan ang mga magulang nito.

Pero paglilinaw ni Panelo, wala namang pananagutan ang mga may -ari ng malls at establisyemento kung bigo nilang mapagsabihan ang mga estudyante, ito aniya ay isang pakiusap lamang.

Kaugnay nito, inaasahan ng Malakanyang na makikipagtulungan at susunod ang mga lokal na pamahalaan sa mga ginagawang hakbang ng gobyerno.

Una nang ipinag-utos ni Pangulong Rodrigo Duterte ang suspension of classes sa lahat ng lebel sa Metro Manila mula Marso 10 hangang 14 sa gitna pa rin ng banta ng COVID-19.

Samantala, ipinauubaya na ng Palasyo kay Education Secretary Leonor Briones ang usapin hinggil sa pagsuspinde sa graduation rites.

Samantala, una nang binigyang-diin ng Department of Health na mas mainam pa rin ang manatili sa kani-kanilang bahay at iwasan ang matataong lugar at ikansela ang byahe lalo na kung hindi naman ito importante.

Idinagdag pa ng Palace Spokesman  na walang dapat ikabahala sa COVID-19 outbreak dahil sa may karampatang protocol naman para sa mapigilan ang naturang virus at may sapat na pondo ang pamahalaan upang labanan ang coronavirus.

CRESILYN CATARONG

 

Leave a Reply

Your email address will not be published.