MARIING binatikos ng grupo ng mga Philippine National Police (PNP) Chief si PAGCOR VP Raul Villanueva dahil sa pagkakalat nito ng tsismis sa Senado.
Hinihingan ngayon ng grupo ng mga dating PNP chief ng isang public apology si Raul Villanueva, ang senior vice president ng PAGCOR.
Sa pahayag ng grupo na binasa ni Sen. Ronald “Bato” Dela Rosa sa isang pagdinig sa Senado araw ng Martes ay kanilang binigyan ng diin na iresponsable ang sinabi ni Villanueva noong Setyembre 17.
“The Council of Chiefs composed of former Chiefs of the Philippine National Police, strongly condemns the irresponsible statement made by retired AFP brigadier general now a senior PAGCOR official, Raul Villanueva, during the Senate investigation of illegal POGOs,” pahayag ng grupo ng PNP Chiefs.
Sa nakaraang POGO hearing sa Senado ay sinabi ni Villanueva na kalat sa intelligence community na isang dating PNP chief umano ang tumulong kay Alice Guo para makatakas ng bansa.
Ikinadismaya naman ng grupo ng mga PNP chief ang ginawang paninira ni Villanueva na isang dating AFP brigadier general.
Ang akusasyon anila ay isang kahihiyan para sa lahat ng dating PNP chief na nag-alay ng kanilang buhay para paglingkuran ang sambayanang Pilipino.
Hinamon din nila si Villanueva na pangalanan ang tinutukoy nito na dating PNP chief na tumulong kay Guo upang malinis ang pangalan ng mga nadadamay sa isyu.
“It is incumbent upon himself, in the interest of transparency, fairness and justice, to identify this rogue former PNP chief to clear the names of those not involved. However, if the information turns out false after validating the report, we hereby demand a public apology, no less, from the same officer,” saad ni Bato.
Kaugnay nito ay binawi na rin ni Villanueva ang kaniyang sinabi ngunit hindi naman siya nag sorry.
Ayon kay Villanueva, tsimis lang ang nasabing storya at wala siyang hawak na ibidensiya para patunayan ang kaniyang akusasyon.
Ito ay inamin ni Villanueva kay Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) director Maj. Gen. Leo Francisco sa kanilang pag-uusap sa telepono nitong nakalipas na araw ng Lunes.
Sa kabila nito ay inilahad naman ni Franciso na walang nabanggit si Villanueva kung bakit niya nagawa na maglabas ng isang tsismis na naging malaking issue para sa buong hanay ng PNP.