MAHIGPIT na tinutulan ng ilang anti-communist groups na maiuwi sa Pilipinas ang abo ng yumaong pinuno ng teroristang grupo na si Joma Sison.
Giit ng mga grupo, hindi karapat-dapat si Sison dahil sa matinding karahasan na ginawa nito sa libu-libong buhay ng mga Pilipino sa bansa.
GO TO HELL!
Ito ang isinisigaw ng grupo ng mga magulang at guro mula sa Hands Off Our Children Movement, Inc. (HOOCM) at Solidarity of Parents and Educators for Empowerment, Peace & Development, Inc. (SPEEPD) laban kay Joma Sison na utak ng Communist Party of the Philippines (CPP).
Isang peace rally ang isinagawa ng grupo sa harap ng Commission on Human Rights sa Quezon City, umaga ng Lunes.
Tugon ito ng mga grupo laban sa ginawang karahasan ng CPP sa buhay ng mga kabataan o ng mamamayan sa bansa kasabay ng kanilang ang ika-54 na anibersaryo.
Giit pa ni Gemma Labsan, president ng SPEEPD na hindi dapat iuwi sa bansa ang abo ni Sison.
Umaasa rin ang mga ito na maililibing na ang mga ideolohiya ng CPP-NPA kasunod ng pagpanaw ni Jose Maria Sison.
Hindi rin aniya maituturing na bayani si Joma Sison dahil sa napakaraming karahasan, dalamhati, pinsalang naidulot ng CPP kasama ang dalawang teroristang grupong katuwang nitong New People’s Army at National Democratic Front ( CPP-NPA-NDF) sa mga Pilipino sa loob ng mahigit 5 dekada.
Ipinagpapasalamat din ng naturang mga grupo ang pagkamatay ni Joma Sison dahil patunay na ito ng kabagsakan ng CPP sa bansa.
Kasabay ng holiday season nang mamatay si Joma Sison, kayat may mensahe ang mga magulang at guro sa kanya.
Hiling ng ilang magulang ngayong Kapaskuhan at magbabagong taon ay mawakasan na ang panlilinlang ng mga makakaliwang grupo sa mga kabataan.
Muli, nananawagan para sa katarungan sa lahat ng kanilang kalupitan at paglabag sa karapatang pantao ang mga grupo laban sa CPP-NPA-NDF.
Mababatid na higit 50,000 Pilipino ang namatay at nasayang ang buhay dahil sa paniniwala sa maling ideolohiya ng CPP-NPA-NDF.