NAGBABALA ang Bureau of Fire and Protection (BFP) sa publiko hinggil sa paggamit ng iba’t ibang uri ng paputok ngayong nalalapit na pagsalubong sa Bagong Taon.
Ayon sa BFP, mas mainam na lamang na gumamit ng torotot o mga bagay na gumagawa ng ingay at ilaw kaysa sa paggamit ng paputok o pailaw.
Kung hindi naman umano maiiwasan na tumangkilik ng mga paputok, mas makabubuti na bumili sa mga rehistradong tindahan ng paputok at pailaw.
Mag-ingat sa mga pekeng produkto na maaaring pumalya o makapaminsala ng gamit.
Ipinagbabawal ang pag-iimbak ng mga paputok nang matagal lalo kung nakalagay ito malapit sa mga saksakan ng kuryente, lutuan at iba pa.
Iwasan din na ipahawak o gamiting laruan ng mga bata ang mga ito na posibleng magdulot ng panganib sa mga bata.
Hinihikayat naman ng BFP ang publiko na bisitahin ang kanilang official Facebook page upang mabigyan ng sapat na kaalaman kung papaano makaiwas sa disgrasya sa paggamit ng paputok.