PINANGUNAHAN nina Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. at Vice President & Education Secretary Sara Duterte ang ikatlong ‘Konsyerto sa Palasyo’ (KSP) na binansagan bilang ‘Para sa Mahal Nating mga Guro.’
Ito ay ginanap sa Mabini Grounds sa Malacañang Palace nitong araw ng Linggo, Ocktubre 1, kasabay ng pagdiriwang ng Teachers’ Month.
Ang event ay bilang pagkilala sa hindi matatawarang dedikasyon at pagsusumikap ng mga educator para sa pagpapabuti ng kalidad ng edukasyon.
Ang ikatlong yugto ng KSP ay nagtatampok ng inspiring stories ng mga dedikado at masigasig na guro, na humubog ng kinabukasan ng kanilang mga mag-aaral sa gitna ng pandemya.
Nagbigay-pugay rin ito kay Apolinario Mabini, ang iginagalang na tagapagturo noong kaniyang panahon.
VP Sara, nagpasalamat sa matagumpay ng ‘Konsyerto sa Palasyo’; Suporta sa mga guro, muling tiniyak
Nagpasalamat naman si VP Duterte sa Office of the President at sa lahat ng kabilang sa nag-organisa sa matagumpay na Konsyerto sa Palasyo, gayundin sa mga guro na nagbigay ng kanilang serbisyo sa bansa.
Muli namang tiniyak ni VP Duterte sa lahat ng mga guro na palagi silang susuportahan ng administrasyong Marcos kasama ng mga local government unit (LGU).
Ang mga educator naman mula sa iba’t ibang bahagi ng bansa ay nagpahayag din ng kanilang pasasalamat sa pagbibigay sa kanila ng plataporma upang marinig sa pamamagitan ng kampanya ng administrasyon na “Bagong Pilipinas”.
Bukod kina Pangulong Marcos at VP Duterte, kasama rin sa dumalo si First Lady Araneta-Marcos kasama ang ilang pangunahing opisyal ng gobyerno.
Ang KSP ay patuloy na nagtatampok ng top-tier at umuusbong na mga Filipino artist sa iba’t ibang larangan ng performance art, kabilang ang teatro, rap, pagkanta, at pagsayaw.
Matatandaang isinagawa ang ikalawang Konsyerto sa Palasyo noong Agosto kung saan inihandog ito sa mga Pilipinong atleta habang ang unang KSP noong Abril naman ay inialay sa mga miyembro ng Armed Forces of the Philippines.
Sa pagkakataong ito, ang konsiyerto ay nagsisilbing pagpupugay sa mahalagang papel na ginagampanan ng mga guro sa mga komunidad.
Ang naturang event ay pinangunahan ng Office of the President (OP), Presidential Communications Office (PCO), Social Secretary’s Office (SOSEC) at ng Presidential Broadcast Staff – Radio Television Malacañang (PBS-RTVM).