PAIIGTINGIN ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang kanilang mga hakbang upang labanan ang bullying, isulong ang mental health ng mga bata, at lumikha ng mas ligtas na kapaligiran para sa kanila.
Ayon kay DSWD Secretary Rex Gatchalian, bahagi ito ng pagtugon sa pangangailangan ng mga mag-aaral ngayong pagbubukas ng klase sa Hunyo.
Aniya, DSWD ang pangunahing ahensiyang tututok sa mental health at kapakanan ng mga batang biktima ng bullying—online man o pisikal.
Binigyang-diin din ni Gatchalian ang papel ng mga magulang, kaya’t kasalukuyang binubuo ng DSWD ang mga sesyon sa ilalim ng Parenting Effectiveness Service program, katuwang ang mga child and family psychologist.
Layon nitong gabayan ang mga magulang sa mga usaping gaya ng anti-bullying, teenage pregnancy, nutrisyon, at asal ng bata.
Katuwang din ng DSWD ang Department of Education (DepEd) sa kampanyang ito, na nangangasiwa naman sa pagtalaga ng guidance counselors, advisers, at kung maaari, mga lisensiyadong psychologist para suportahan ang mga estudyante.