HINDI na bahagi ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) ang probinsiya ng Sulu.
Base ito sa pinakahuling decision ng Supreme Court.
Kinatigan ng Kataas-Taasang Hukuman ang pagkontra ng Sulu sa ratipikasyon noon ng Bangsamoro Organic Law.
Ngunit ayon sa director ng Muslim Studies ng Ateneo de Davao University, may mga kaakibat na hamon sa Sulu ang desisyon ng Korte Suprema.
Lalo na kung saan kukuha ng pondo ang probinsiya.
“Malaki ang impact po nito no tulad ng sinasabi mo kanina. In terms of the budget, patapos na kasi ‘yung 2025 budget natin. Ngayon ‘yung block grant, ‘yung budget ng BARMM nakasali po doon ang province ng Sulu,” pahayag ni Mussolini Lidasan, Director, Al Qalam Institute of Ateneo de Davao University.
Bukod sa pondo, marami rin umano ang mawawalan ng trabaho.
“Mabilis na mawawalan ng trabaho ‘yung mga empleyado ng BARMM na nandoon sa probinsya ng Sulu,” ani Lidasan.
Isa rin sa hamon ay ang 2025 elections sa BARMM kung saan kasama ang Sulu.
“Pangatlo, ‘yung upcoming elections natin no kasama ko po ‘yung sa Comelec sa Region 11 a few days ago. ‘Yun nga po ang napag-meetingan nila kasi ang pinaghandaan nila ‘yung election ng BARMM kasama ‘yung province of Sulu. And now most probably kasi Region 9 kasi Zamboanga Peninsula ang Zamboanga Region ang pinakamalapit sa kanila, malamang ang mangyayari ay katulad ng Isabela City ng Basilan… part sila ng Zamboanga Region. And then ‘yung Sulu ganoon din babalik sa… kasi dati naging part din siya ng Zamboanga,” dagdag nito.
Sa kabila nito, iginiit ng BARMM na magpapatuloy ang mga programa nila Sulu sa kabila ng biglaang desisyon ng SC.
“There will be no abrupt disruption of government services…for now, the service delivery in Sulu will not be disrupted,” wika ni Bangsamoro Spokesperson Mohd Asnin Pendatun.
Sa ngayon, ang mga probinsiya na lamang ng Basilan, Lanao del Sur, Maguindanao, and Tawi-Tawi ang bumubuo ng BARMM.