HINAMON ng Bureau of Corrections (BuCor) ang ilang human rights group na makipag-ugnayan sa Commission on Human Rights (CHR) kaugnay ng imbestigasyon sa naging mapang-abuso umanong “strip search” sa ilang dalaw sa New Bilibid Prisons.
Ito’y kaugnay sa alegasyon ng grupong Karapatan na may pinagtatakpan umano ang BuCor sa imbestigasyon sa reklamo ng dalawang babaeng dumalaw sa kanilang asawang nakapiit sa Bilibid.
Iginiit naman ni BuCor Director General Gregorio Catapang Jr. na hindi naman BuCor sa halip ay CHR ang nangunguna sa imbestigasyon, at sinibak na aniya sa tungkulin ang pitong opisyal na inirereklamo.
Samantala, hanggang sa kasalukuyan ay suspendido pa rin ang pagpapatupad ng strip and cavity search sa mga dumadalaw sa mga PDL sa lahat ng jail facility at penal farms na sakop ng BuCor.