HINIMOK ng Philippine National Police (PNP) ang iba’t ibang grupo na huwag nang ituloy ang kanilang kilos-protesta sa inagurasyon ni President-elect Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa Maynila sa Hunyo 30.
Binigyang-diin ng Manila Police District (MPD) na may umiiral na ordinansa ang Maynila kaugnay sa “no permit, no rally” at ang Batas Pambansa 880 o Public Assembly Act of 1985, kung saan pinapayagan ang mga pagtitipon na walang permit sa mga itinalagang freedom parks ng gobyerno.
Ayon kay PNP OIC LtGen. Vicente Danao Jr. hindi nila layunin na pigilan ang kalayaan sa pagpapahayag at ang karapatang magtipon nang mapayapa, ngunit ang parehong mga karapatan sa konstitusyon ay hindi dapat abusuhin na humahantong sa karahasan at kaguluhan.
Nabatid na hindi papayagan ng PNP na magsagawa ng anumang pagkilos malapit sa inauguration site ng National Museum.
Pero sakaling magpumilit ang mga ito ay papayagan silang magdaos ng programa sa freedom parks ng lungsod.
Sa datos ng National Capital Region Police Office (NCRPO), 18,339 public safety and security forces ang ide-deploy upang matiyak ang seguridad ng inagurasyon ni President-elect Marcos.