Mga iligal na dayuhang nakakulong sa Malaysia, iminumungkahing palayain na

Mga iligal na dayuhang nakakulong sa Malaysia, iminumungkahing palayain na

MATAPOS maungkat ang isyu ukol sa maraming insidente ng riot sa loob ng mga detention center sa Malaysia, isang abogado sa bansa ang nagsabing kinakailangan nang palayain ang mga nakakulong sa lalong madaling panahon.

Isang abogado na may karanasan sa Immigration case sa bansang Malaysia ang nagsabi na ang mga dayuhang nakatakda nang ma-deport ay kinakailangan nang makalaya mula sa mga kulungan upang maiwasan na ang mga problema sa pagsisikip sa mga Immigration Depot.

Ayon sa abogado na si Harpal Singh na ang isang probisyon sa section 34 ng Immigration Act ay nagbibigay ng kapangyarihan sa director-general ng ahensya na gamitin ang kaniyang kapangyarihan para palayain ang isang dayuhang nakakulong sa isang depot kung siya ay bibigyan ng ilang uring garantiyang pang seguridad.

Bukod dito, nakasaad aniya sa Immigration Regulation #14 na pinapahintulutan din ang Director-General ng Malaysia Immigration Department na mag isyu ng isang special pass sa mga dayuhan upang makapanatili sa labas ng kulungan.

Malaki rin aniya ang maiipon ng gobyerno sa maintenance funds kung kakaunti ang mga dayuhang papauwiin.

Nasa humigit-kumulang RM35 ang gastos ng gobyerno sa bawat dayuhan na nakakulong kada araw.

Samantala, iminungkahi rin na dapat mas higpitan ang pagbabantay sa border ng bansa upang mabawasan ang pagpasok ng mga iligal na dayuhan.

Follow SMNI NEWS in Twitter