PALALAWAKIN pa ng Land Transportation Office (LTO) ang kanilang impounding areas para sa mga mahuhuling jeep na hindi makapag-consolidate.
Pinaghahandaan na ng Department of Transportation (DOTr) at ang iba pang mga sangay ng ahensiya ang darating na Pebrero.
Simula sa susunod na buwan, huhulihin na ang mga public utility jeepney na hindi makapag-consolidate.
Ito ay dahil ituturing na silang kolorum sa ilalim ng PUV Modernization Program.
Ayon sa Land Transportation Office (LTO), palalawakin pa nila ang kanilang mga impounding area para sa mga mahuhuling jeep na hindi makapag-consolidate.
Kabilang sa mga impounding area na palalawakin ay ang mga nasa Metro Manila, Central Luzon, at CALABARZON.
Maging ang mga impounding area sa General Santos at Davao ay lalakihan din.
“Sana hindi mapuno. Sana magcomply na lang po ang mga tao. Sana magrehistro na lang po ng sasakyan ‘yung mga nagrereklamo sa mondernization,” pahayag ni Asec. Vigor D. Mendoza, Chief, Land Transportation Office.
Mga rutang iiwanan ng mga tsuper na bigong magconsolidate, may sasalo—LTFRB
Sa panig ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), aminado sila na may ilang ruta pa rin sa Metro Manila tulad na lamang sa Pasig ang may zero consolidation.
Pero sa kabila nito ay kanilang tiniyak na may sasalo sa mga rutang maiiwanan ng mga tsuper na ayaw magconsolidate.
“When we mapped out these routes for the whole of Metro Manila, nakita ho natin na mayroong sasalo na public transport doon sa ruta na walang nagconsolidate,” ani Atty. Zona Tamayo, Regional Director, LTFRB-NCR.
“We have bus routes. We have the rail din po na maaaring gamitin ng ating mga commuters,” dagdag ni Tamayo.
Ibang pagkakakitaan ng mga tsuper na bigong magconsolidate, tiniyak ng DOTr
Nakahanda naman ang DOTr para saluin ang mga tsuper na hindi nakapagconsolidate upang sila’y mabigyan ng ibang pagkakakitaan.
“I will be releasing in our Facebook different cooperatives nationwide. Nakalagay na po doon that they will start hiring, they will start accepting ‘yung mga drivers po natin na maghahanap po ng trabaho,” ayon kay Andy Ortega, Chairman, Office of the Transportation Cooperatives.
“May binabalak po ang LTFRB na i-consider po na ‘yung mga hindi nakasama ay pwede hong sumama sa existing kooperatiba,” wika ni Teofilo Guadiz III, Chairperson, LTFRB.
DOTr, nananatiling bukas vs. sa mga tutol sa PUV Modernization Program
Muli namang binigyang-diin ng DOTr na nananatiling bukas ang kanilang tanggapan para makipagdayalogo sa mga tutol sa PUV Modernization Program.
“May mga issues pa rin no na kami naman dito sa office ay handa makipag-usap. Iyan po ang palaging position ng Department of Transportation. Ang office po namin ay open,” pahayag ni Sec. Jaime Bautista, Department of Transportation.