TINIYAK ng Office of the Transportation Cooperatives (OTC) at Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na aalalayan nila ang mga tsuper na ang mga operator ay hindi sumali sa industry consolidation para sa PUV modernization.
Ito ay matapos mabahala ang ilang tsuper na mawalan ng hanapbuhay ngayong 2024.
Wala nang magawa ang tsuper na si Kuya Sonny sa desisyon ng kaniyang operator na hindi lumahok sa kooperatiba para sa Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP).
Paliwanag nito, pinakiusapan na niya ang operator para lang hindi mapahinto sa pamamasada lalo’t ito lang ang kinukuhanan ng panggastos sa araw-araw.
“Maghahanap na lang po ng iba, siyempre wala na ito kaya maghahanap na lang ako ng ibang trabaho,” ayon kay Sonny, Tsuper.
Sa press conference, umaga ng Biyernes, tiniyak ng Office of the Transportation Cooperatives (OTC) na aalalayan nila ang mga tsuper tulad ni Kuya Sonny na ang operator ay hindi sumali sa industry consolidation sa naturang programa.
Sinabi ni OTC chairman Jesus Ferdinand Ortega, nakausap na nito ang ilang mga transport cooperative at korporasyon na sinigurong tutulungan ang mga tsuper para hindi mawalan ng hanapbuhay.
“We will assure by the cooperatives, sila po ay tatanggap ng mga driver doon sa mga operator na hindi nagpa-consolidate. They are badly needed by the cooperatives and I’m sure by the corporation,” ayon naman kay Andy Ortega, Chairman, OTC.
“It will be driver they will become member of the cooperatives and they will still continue by being drivers po,” dagdag ni Ortega.
Kaugnay rito, handa rin ang mga consolidated transport cooperative na saluhin ang mga rutang kukulangin ng bibiyaheng PUJ units sa mga susunod na buwan.
Ito ay para masiguro aniyang magkakaroon pa rin ng sapat na transportasyon sa isang ruta at hindi naman mahihirapan ang mga pasahero.
Umano’y sabtawan sa pagbili ng modern jeepney ng mga transport group, itinanggi ng LTFRB
Kasabay rito, itinanggi naman ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) at OTC na mayroon silang pinapaborang manufacturers ng modern jeepney.
Kasunod ito sa natanggap na ulat ni House Speaker Martin Romualdez na nakikipag-sabwatan ang DOTr para paboran ang mga importer unit ng modern jeepney.
“First of all, nagkaroon na nga ng accusations at wala pa rin nangyari sa katotohanan but again we will be there and we will hear para malaman po natin kung mag bago po ba or kung may kongreto po sa accusations,” ayon pa kay Ortega.
Sinabi naman ni Joel Bolano, head ng Technical Division ng LTFRB, wala sa mandato ng ahensiya na maghalughog o magdikta ng mga manufacturer ng mga modern jeepney sa kooperatiba.
“Ang role lang po ng gobyerno ay ibinibigay lang po ang Philippine National Standards para maging basehan ng ating mga distributor at manufacturer kung ano po ang specifications. Bukod doon, napakalinaw po sa ating Philippine National Standards na inilabas ng DTI na hindi limited ang ating design as long as makapag-comply,” pahayag ni Joel Bolano, Head, Technical Division.
Sa kasalukuyan, mayroong 54 na mga manufacturer ng mga modern jeepney na karamihan ay dito sa Pilipinas ginagawa.
Nasa kamay na umano ng mga Transport Cooperative o korporasyon ang kanilang pipiliin.
Bilang ng mga jeepney operator na hindi nagpa-consolidate sa NCR, halos 50% pa—LTFRB
Halos kalahati pa ng kabuuang bilang ng mga pampasaherong jeepney sa Metro Manila ang hindi nag-consolidate.
Nasa 51.34% o katumbas ng 21,655 na units ng pampasaherong jeep ang nagpa-consolidate lang sa Metro Manila hanggang noong deadline nitong December 31, 2023.
Ibig-sabihin aabot sa 48.66% mula sa kabuuang bilang ng mga unit ng mga pampasaherong jeepney sa Metro Manila ang hindi na makakapasada simula sa January 31, 2024.
Maliban sa jeepney, aabot naman sa 59.33% o ang bilang ng mga 4,400 unit ng mga UV express ang nagpa-consolidate.
Sa kabuuang, aabot 52.54% o 26,055 units na PUJ at UV Express ang nagpa-consolidate na hanggang noong deadline.
Ipinaalam ng LTFRB na patuloy pang isinasapinal ang listahan ng mga operator na humabol sa deadline ng consolidation hanggang noong Disyembre 31, 2023.
Paliwanag ni LTFRB chairman Teofilo Guadiz III.
“Wala pa po kaming pinal na number na maibigay dahil unang-una dahil ang NCR ay pinu-proseso pa ng mga nagsubmit noong December 31, kaya nung huling araw ay dinumog kami,” ayon kay LTFRB Chairman Teofilo Guadiz III.
Gayunpaman, posibleng madagdagan ito lalo’t nagpapatuloy ang kanilang pagproseso sa mga humabol ng mga operator noong deadline.
Samantala, sa buong bansa aabot na sa 76% ang nagpa-consolidate sa PUJ at UV Express.