HINDI maikakaila na ang pagiging malikhain ay bahagi ng kultura at pagkakakilanlan ng mga Pinoy.
Sa bawat sulok ng bansa, mula Luzon hanggang Mindanao, makikita ang iba’t ibang anyo ng sining, inobasyon, at teknolohiya na nagpapakita ng husay ng ating lahi.
Kaugnay nga niyan, isang makabagong programa ang inilunsad ng Department of Science and Technology o DOST upang suportahan ang mga lokal na innovator, scientist, at imbentor sa bansa.
Ang programang PROPEL ay may layuning maihatid sa lokal at internasyunal na merkado ang kanilang mga inobasyon at makahikayat ng mga mamumuhunan para sa mass production ng kanilang mga produkto.
‘’Sa programang propel matulungan ang mga innovators, technology producers na mabigyan sila ng pagkakataon na makipagusap sa mga potential capitalists and investors para maimprove pa ang kanilang mga produkto o di kaya kung okay na macommercialized magsetup sila ng mga kumpanya nila,’’ ayon kay Secretary Renato Solidum Jr. Department of Science and Technology.
Sa ilalim din ng programang PROPEL, pinagsasama-sama ng DOST ang kanilang mga serbisyo, pasilidad, at programa kaugnay ng technology transfer at commercialization.
‘’Binubuksan natin ang mga services and progams ng DOST. Nandiyan na silang lahat para magamit nila gun, maaccess nila yun,’’ saad ni Juanillo.
‘’Gamitin mo ang experts ng DOST,’’ saad nito.
‘’Nandito ang DOST para suportahan na paigtingin yung idea na yun at maging real product,’’ ayon nito.
Sa ngayon, ibat ibang inobasyon ang hinahanap ng mga mamumuhunan ayon sa DOST.
Kabilang anila dito ay mga produkto at teknolohiya sa information communications technology, energy, agrikultura at kalusugan.