Mga kababaihang may trabaho, dumami nitong Pebrero 2024—PSA

Mga kababaihang may trabaho, dumami nitong Pebrero 2024—PSA

DUMAMI ang mga nagkaroon ng trabaho nitong Pebrero 2024 partikular na sa mga kababaihan ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA).

Sa mga estudyante na umaasa ang isang tindahan na matatagpuan malapit sa isang unibersidad sa Taguig para kumita.

Kaya ikinatuwa ni Juliet ang pagbabalik-eskwela ng mga estudyante nitong Pebrero dahil balik din siya sa kaniyang pagtra-trabaho sa nasabing tindahan.

“Malaking tulong po. Bali ‘yung ikinabubuhay po namin mula sa mga estudyante ng UMak mismo. Kasi sila lang po ‘yung pinakacustomer namin eh. Kung wala po silang pasok, wala din po kaming income. Wala din po kaming kita. Kumbaga ang buhay namin nakasalalay sa mga estudyante ng UMak,” ayon kay Juliet, Tindera.

Ayon sa PSA, dumami noong Pebrero ang mga nagkaroon ng trabaho partikular na sa mga kababaihan. Dahil diyan, tumaas ang labor force participation ng nasabing buwan.

“Karamihan na mga nagdagdag ng trabaho ay mga babae. Mayroon tayong number. Female actually had an increase of 1.87 million in terms of work. Ang male naman 1.14 million. Substantial ‘yung increase in terms of employment sa mga kababaihan,” ayon kay Usec. Dennis Mapa, National Statistician.

Industriya ng retail trade, may pinakamataas na dagdag sa employment; sektor ng agrikultura, pumangalawa

Ayon kay National Statistician Usec Dennis Mapa, karamihan sa mga kababaihan ay nakakuha ng trabaho sa industriya ng retail trade.

Isa ang nasabing industriya na nakitaan na may malaking pagtaas sa bilang ng may trabaho na nadagdagan ng lagpas 1.61 milyon nitong Pebrero.

“Yung February kasi, ‘yung Pebrero 2024, nag-start ng opening ng classes sa kolehiyo. So, marami ang nagkaroon ng opportunity para doon sa nga activities related to retail trade,” ani Mapa.

Naging positibo rin ang takbo ng trabaho sa sektor ng agrikultura.

Mula 8.33 milyong Pilipinong may trabaho noong Enero ay tumaas ito sa 9.36 milyon.

“Doon sa agriculture, nagkaroon tayo ng planting season o di kaya ay harvesting kaya nagkaroon tayo ng employment opportunities din sa agriculture,” dagdag pa ni Mapa.

Sa kabuuan, naitala sa 96.5% ang employment rate nitong Pebrero o katumbas ng 48.95 milyong Pilipino na may trabaho.

Nasa 3.5% naman ang unemployment rate sa nasabing buwan o katumbas ng 1.80 milyong Pilipino na walang trabaho.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble