PERSONAL na hinimok ni Baguio City Mayor Benjamin Magalong ang mga kabataan na maging huwarang lider sa kanilang mga nasasakupan.
Kasabay ito ng pagdaraos ng pinakamalaking pagtitipon ng mga kabataan sa bansa kung saan isa sa panauhing pandangal ang dating pinuno ng Philippine National Police at kasalukuyang alkalde ng Baguio City na si Mayor Benjamin Magalong.
Sa pagtatapos ng Leadership Skills Orientation sa mga delegado, isang matamis na paalala ang ipinaabot ng opisyal sa kanila, ang maging huwaran na lider at sundan ang importanteng karakter ng isang public servant.
Ibig sabihin aniya, hindi nagtatapos sa pagkakahalal sa politika ang magagawa ng isang politiko o lider sa bansa kundi kung sa papaanong paraan mo ito ibinibigay sa mga taong nagtitiwala sa iyong kakayahan na mamuno.
Para naman sa tagapangasiwa ng nasabing pagtitipon, iginiit ni National Youth Commission Chairman Undersecreatry Ronald Cardema ang kahalagahan ng pinagsamang lakas ng mga kabataan tungo sa pagbabago ng bansa.
Bukod sa leadership skills training para sa mga delegado, isa rin sa mga oportunidad na ginawa ng mga kabataan sa loob ng PMA Facility ang marksmanship, isang basic na kasanayan sa paghawak ng baril ang itinuro sa mga ito na layong magkaroon ng sapat na kaalaman sa pagtatanggol sa sarili sa oras ng peligro o kapahamakan sa pagtupad sa kanilang tungkulin bilang mga lider ng kanilang komunidad.
Sa huli nanindigan ang NYC na panahon na para alisin sa kaisipan ng mga kabataan na imbes maging sakit sa ulo ng lipunan, ay maging solusyon sa problema ng bayan.
Sa pamamagitan anila ng paghubog sa bawat kakayahan ng mga kabataan, masasalamin ang kinabukasan ng bansa kung gagamitin ang kaalaman sa tama.