MAAGANG kinalampag ng mga key leader, members at sympathizers ni Pastor Apollo C. Quiboloy ng Kingdom of Jesus Christ (KOJC) ang Senado, umaga ng Martes, Marso 5, 2024.
Kasabay ito sa ginawang Senate hearing ni Sen. Risa Hontiveros kasama ang mga testigo laban kay Pastor Apollo C. Quiboloy.
Ang ginawang pagkakaisa ng libu-libong mga key leader, supporters, young people at mga katutubo ay upang ipanawagan ang hustisya kay Pastor Apollo dahil sa ginawang paniniil ni Hontiveros.
Ang mga kabataan na nabago ang buhay dahil sa kabutihan ni Pastor Apollo ay nagpahayag ng kanilang suporta at pagdepensa.
Si Larsen Andante na lumaki na sa KOJC ay iginiit na wala silang nakitang mali kay Pastor Apollo bagkus pinaaral, pinakain, binihisan, at binigyan ng maayos na kinabukasan.
“Alam namin sa sarili namin na hindi ‘yun ginagawa ni Pastor at wala siyang ginagawang pag-abuso sa amin. Lumaki na kami dito, mukha ba kaming inabuso?” ayon kay Larsen Ardante, Kingdom Youth.
Bago pa nakilala ni Justine Nazario ang butihing Pastor, madilim, magulo, at walang direksiyon ang kanyang buhay noon.
Pero, dahil sa pangangaral at pagmamahal ni Pastor sa mga kabataan kung kaya’t isa siya sa mga nabago ang buhay.
“Yung nakilala ko si Pastor, doon ko nalaman na may purpose pala ‘yung buhay ko at ‘yun ang maglingkod sa Diyos. Binago ako ni Pastor 360 talaga sa pag-uugali, sa disiplina, ginawa niya akong dignified woman. Binigyan niya ako ng kaligtasan, ‘yung ang pinaka-importante sa lahat, kasi ginawa niya akong ispiritwal,” ayon naman kay Justine Nazario, Full-Time Miracle Missionary, KOJC.
“Handa kong ipaglaban si Pastor Apollo kasi pinaglaban niya kami, binigyan niya kami ng kaligtasan. Lahat-lahat binigay niya sa amin, hindi siya natatakot na ipaglaban kami kaya kami hindi ako natatakot na ipaglaban ka Pastor,” dagdag ni Justine.
Mga kabataan ng KOJC, iginiit na puro kabutihan lang ang idinulot ni Pastor Apollo Quiboloy sa kanilang buhay
Handa ring ipaglaban ng mga kabataan si Pastor Apollo kahit anumang mangyari at maging sa mga taong gustong kunin siya.
“Sa mga accusations against kay Pastor, nandito kami na mga young people na lumaki sa Kingdom na pinaaral ni Pastor. Nakita namin ang kabutihan ni Pastor sa buhay namin,” ayon naman kay Margareth Parcasio, Full-Time Miracle Missionary, KOJC.
“Sa lahat ng mga paninira kay Pastor, hindi po talaga totoo ‘yun. Kasi kung ako po, naranasan ko ‘yun sana. Hanggang ngayon nandidito ako at pinaglalaban ko po si Pastor,” ayon rin kay Maricar Flores, Full-Time Miracle Missionary, KOJC.
Maging ang mga LGBTQI+ ay buong pusong tinanggap ni Pastor at binago ang buhay.
“Wala kaming nakita kay Pastor Apollo puro lang kabutihan, pagmamahal, pag-aaruga bilang isang ama na katulad namin na naghahanap ng isang tunay na pamilya,” ayon naman kay Al Nacional, Full-Time Miracle Missionary, KOJC.
Pagbabahagi rin nila na ang libreng pagpapaaral ni Pastor Apollo C. Quiboloy sa mga kabataan sa ilalim ng Gift of Education ay walang kapalit.
Anila, libre itong ibinibigay ni Pastor Apollo sa mga kabataan na gustong matuto at mag-aral.
Binuo rin umano ng butihing Pastor ang Keeper’s Club International (KCI) upang hubugin ang mga kabataan na maging lider ng bansa tungo sa nation-building, kabilang na ang maialis ang mga ito sa mga maling ideolohiya na kumakalaban sa gobyerno.
“Tinuruan kami ni Pastor kung paano maging mabuting tao, maging mabuting mamamayan, binago ni Pastor ang buhay ng bawat isa sa amin. Maraming-maraming salamat Pastor, in behalf sa buong NCR, sumusuporta kami sa inyong laban, count on us Pastor,” ayon naman kay Lhen Markel, Kingdom Youth Coordinator, KOJC.
“Handa ka naming ipaglaban Pastor, ang laban na ito ay para sa inyo kasama ang lahat ng kabataan dito sa NCR at ng Keeper’s Club International. Dahil sa inyo binago niyo ang puso at kaisipan namin, nilayo niyo po kami sa droga, nilayo niyo po kami sa lahat ng masamang gawain na pangsanlibutan Pastor,” dagdag pa nito.
Ilan lamang ito sa mga kuwento at patunay na walang ibang layunin ang butihing Pastor kundi ang mabigyan ng magandang kinabukasan ang kabataan hindi lamang para sa kanilang sarili kundi para sa kinabukasan ng bayan dahil layon ni Pastor Apollo na hubugin ang mga kabataan na may takot sa Diyos at pagmamahal sa bansang Pilipinas.