TINIYAK ng bagong pamunuan ng Department of Interior and Local Government (DILG) ang suporta sa anti-cybercrime group ng Philippine National Police (PNP).
Ang pagsiguro ng DILG ay kasabay na rin ng pangangailangan na maging ligtas ang publiko sa cyberspace ngayong makabago na ang panahon.
Sa kanyang pagbisita sa national headquarters ng PNP, nagpaabot ng kanyang suporta si DILG Secretary Benhur Abalos sa mas malakas na anti-cyber crime capability ng pambansang pulis upang mapigilan ang lumalaking hamon sa krimen gamit ang teknolohiya gaya ng internet.
Sa panayam ng SMNI News kay PNP-ACG Public Information Chief Police Lt. Michelle Sabino, sinabi nito na malaking tulong sa morale ng kanilang hanay ang pagpapahayag ng suporta ng DILG.
Lalo na sa layuning maprotektahan ang mga Pilipino lalo na ang mga kabataan, at kababaihan laban sa mga cybercriminal.
“In the sense, kulang, kasi, because if you compare this to the number of case na kinakaharap ng cybercrime, magiging kulang siya. Especially ‘yung mga equipment ng anti-cybercrime group medyo mahal siya, ‘yung cellebrite alone, ‘ yung license noon, it would cost around millions eh. Kung mas marami tayong ‘yung mga ganyan mas maraming mga investigators at maraming mga crimes ang sabay-sabay nating matututukan,” pahayag ni Sabino.
Samantala, bukod sa mga makabagong kagamitan, palalakasin din ng DILG ang pagsasanay ng mga miyembro ng anti-cybercrime group ng pambansang pulisya.
Para sa PNP, isang katugunan ito para mapalawak pa ang kasanayan ng kanilang hanay lalo pa’t kadalasa’y ginagawa ang trainings kontra cybercrime sa ibang bansa.
Sa ngayon kakaunti pa lang aniya ang technical experts ng kanilang grupo kung kaya’t nangangailangan pa sila ng malaking suporta ng gobyerno para magawa nila ang kanilang trabaho.
“Yung mga trainings namin are usually grants from the U.S kasi nga mahal din. Parang naglalaro din siya ng hundreds of thousands, even up to, hindi ako sure specifically kung magkano, pero talagang mahal kung mag-trainings abroad. So, limited lang din yung mga experts natin na mayroon. So, kung isu-support iyan, malaking factor ‘yan para sa amin kasi nga marami tayong magiging expert,” ani Sabino.
Hinihimok ng DILG ang publiko na makipag-ugnayan sa kanilang tanggapan at sa PNP kasunod ng tumataas na bilang ng cybercrime sa bansa.
Sa pagsabay ng makabagong teknolohiya, naniniwala rin ang PNP na hindi na muling makakapangambala ang mga kriminal sa bansa dahil sa tumataas din na kaalaman ng mga awtoridad sa pagsugpo nito.
“Millenial crime na ang mga cybercrime. So, we really need the help all the help and support we can get so that we can have as many as equipment as much as possible na pwede natin ma-distribute sa mga different regions to our anti-cybercrime group natin sa mga region at tsaka sa mga districts natin. Ang dami-dami nating kinakaharap na cybercrimes ngayon. Lahat ng crimes ngayon is now happening in the cyberspace, in the cyber world. So, the support, the trainings ang everything na maibibigay nila lahat para sa ating anti-cybercrime group, we, welcome them with open arms, tuwang-tuwa kami for this,” ayon pa ni Sabino.