Mga kandidato, hinikayat na huwag kumupkop ng mga private armed group—AFP

Mga kandidato, hinikayat na huwag kumupkop ng mga private armed group—AFP

TUWING eleksiyon, hindi maiiwasan ang kaguluhan bunsod ng matinding politika ng mga kandidato nais makakuha ng puwesto sa pamahalaan.

Kaya bago ang mismong halalan, may mga lugar na idinideklara ang Commission on Elections (COMELEC) na mga election hotspots.

Sa mga lugar na kabilang sa hotspots, dito mas maraming pulis at sundalo ang ipinakakalat para masiguro ang kaayusan at kapayapaan sa panahon ng kampanya hanggang sa matapos ang halalan.

Kaugnay rito, sa isang panayam, nangako si Armed Forces of the Philippines (AFP) Chief of Staff Gen. Romeo Brawner Jr. na sila ay tutulong sa 2025 national and midterm elections, lalo na sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).

“Nangako po tayo that as an organization, the AFP will assist in making sure that the 2025 midterm election—national midterm elections, and BARMM elections ay magiging peaceful and secure. ‘Yun po ‘yung sa panig ng AFP,” saad ni Gen. Romeo Brawner Jr., Chief of Staff, Armed Forces of the Philippines.

Maliban dito, sinabi ng AFP chief of staff na bilang deputized ng COMELEC, sila ay magde-deploy ng mga sundalo sa lahat ng lugar para masiguro na magiging maayos ang darating na halalan.

“Halos lahat po ng areas ay magde-deploy ang Armed Forces of the Philippines dahil tutulungan po natin. We are deputized by COMELEC to assist in the national elections,” wika ni Gen. Romeo Brawner, Jr., Chief of Staff, Armed Forces of the Philippines.

Samantala, tungkol naman sa nangyaring ambush sa Basilan, sinabi ni Brawner na balak sana nilang magtanggal ng unit sa lugar pero hindi nila ito itutuloy.

“Magtatanggal sana kami ng unit doon but because of what happened, hindi muna kami magtatanggal. So mananatili muna iyong mga units namin sa Basilan,” ani Brawner.

Tungkol naman sa mga private armed group, sinabi ni Brawner na sinisikap nila na matukoy ang mga ito bago matapos ang deadline. Kasabay rito ang panawagan sa publiko na i-report sa mga awtoridad kung sino sa mga kumakandidato ang mayroong mga private army.

“Well, sisikapin po natin na ma-meet iyong deadline. Of course, kailangan po ng cooperation ng ating mga kababayan dito in terms of giving us the information, the reports, kung nasaan po yung mga PAGs, kung sino po itong mga ito,” aniya.

Nanawagan din ang AFP sa mga kandidato na huwag kumupkop ng mga private armed group.

“And of course, the cooperation also of iyong mga kandidato na huwag po sila [kumupkop] ng mga private actors,” aniya pa.

 

Follow SMNI NEWS on Twitter