DAPAT manalo ang mga kandidatong magaling ang pamamahala laban sa COVID-19 sa kanilang lugar.
Ito ang pahayag ni National Task Force (NTF) on COVID-19 Adviser Dr. Ted Herbosa sa panayam ng Sonshine Radio.
Ayon kay Herbosa, angkop na angkop ito sa mga kandidato na tumatakbo bilang local officials tulad ng mayor o gobernador sa kanilang lugar at dapat manalo ang mga kandidatong magaling sa darating na eleksyon.
“Mananalong kandidato dito sa mga eleksyon na dadating ay yung maganda ang pag-handle ng COVID sa kanilang LGU’s. Kung palpak yung ah pag-handle ng COVID sa ilang probinsya at maraming namatay dahil dito malamang ay matalo ka ng lumalaban sa iyo.
“Hindi nila kaligtaan ito at sumunod sila sa mga patakaran ng IATF, ng National Task Force, ng National Vaccine Operation Centre kasi nakalatag na sa amin kung papaano mo lalabanan ang COVID eh, sundin mo nalang,” pahayag ni Herbosa.
Samantala, ibinahagi naman ni Herbosa na hindi na nagkakaproblema ang bansa sa inventory ng mga COVID-19 vaccines.
Gayunman, nananatili pa ring hamon kung paano makumbinsing magpabakuna kontra COVID-19 ang isang indibidwal na ayaw magpaturok.
Ngayong linggo naman ay target ng pamahalaan na makamit ang isang milyong bilang ng mga indibidwal na mababakunahan bawat araw.
Magugunitang noong nakaraang linggo ay umabot na sa 724,000 indibidwal ang bilang ng nabakunahan kontra COVID-19 sa buong bansa.