Mga kasinungalingan ni General Marbil, iniisa-isa ni VP Sara

Mga kasinungalingan ni General Marbil, iniisa-isa ni VP Sara

ISANG open letter ang isinulat ni Vice President Sara Duterte kay Philippine National Police (PNP) Chief General Rommel Francisco Marbil.

Iyan ay kaugnay sa isyu ng pagbabawas ni Marbil ng police security detail ng pangalawang pangulo.

Bagama’t tiniyak ni Vice President Sara na hindi makakaapekto ang direktiba ni Marbil sa kaniyang trabaho bilang Vice President, pero aniya hindi niya maatim ang tuluy-tuloy na panlilinlang sa mga Pilipino lalo na kung ang mga kasinungalingan aniya ay mula mismo sa pinakamataas na opisyal ng kapulisan.

“Ngunit may problema ako sa mga kasinungalingang ipinapahayag sa taumbayan — lalo na kung ang mga kasinungalingang ito ay mula mismo sa pinakamataas na opisyal ng kapulisan,” saad ni Vice President Sara Duterte, Republic of the Philippines.

Sabi ni VP Sara sa liham na ang Vice Presidential Protection Division (VPPD) na isinailalim sa Police Security and Protection Group (PSPG) ayon sa utos ng National Police Commission (NAPOLCOM) ay sadyang ginawa para hindi pakialaman ng mga tulad ni Marbil ang security ng bise presidente.

Isa sa mga ipinunto ni Marbil ay may augmentation ang lokal na pulisya sa security ni Vice President Sara tuwing siya ay bumibisita sa mga probinsiya.

Sagot ni Vice President Sara na kaya nga may VPPD para walang hablutan at hindi maabala ang trabaho ng mga lokal na pulisya.

Pinasinungalingan naman ng pangalawag pangulo ang sinabi ni Marbil na nag-request ang Hepe sa Office of the Vice President na tanggalan siya ng 75 security detail dahil kailangan ng dagdag na tauhan sa Metro Manila.

Sabi ni Vice President Duterte na walang nangyaring request at sinabihan lamang sila ng PSPG na kukunin ang mga tauhan. Hindi na sila aniya nakipagtalo dahil punto ni VP Sara na si Marbil naman ang batas.

“Walang request na nangyari. Sinabihan lamang ng PSPG ang OVP na kukunin nila ang mga personnel. Hindi na kami nakipagtalo dahil ikaw naman ang batas ‘di ba? Kasunod nito ay lumabas na ang Relief Orders sa utos mo. Ito ay base na rin sa dokumento ng PNP,” saad pa ni VP Duterte.

Paliwanag naman ni Marbil na wala naman silang nakikitang anumang banta laban kay Vice President Sara Duterte kaya kailangang bawasan ang security detail ng pangalawang pangulo.

Pero tanong ni VP Sara sa hepe na kung ano ba ang ibig sabihin ng “threat” para sa kaniya, kung ang banta ba ay maaari lamang magmula sa mga external elements, at kung hindi ba “threat” kung ang harassment ay nanggaling mismo sa mga tauhan ng gobyerno.

“Ano ba ang ibig sabihin ng “threat” sa iyo? Ang banta ba ay maaari lamang magmula sa mga external elements? Hindi na ba “threat” kung ang harassment ay nanggagaling mismo sa mga tauhan ng gobyerno,” ani VP Duterte.

Ipinunto ng Pangalawang Pangulo ang mga harassment tulad ng malisyosong pagpapalabas ng isang video footage habang siya ay nasa NAIA kung saan kuha ito sa isang lugar na pawang mga empleyado lamang ng paliparan at piling mga tao ang maaring nandoon. Kasama rin aniyang nakuhanan ang kaniyang asawa at mga anak na naging banta sa kanilang seguridad.

“Hindi ba’t mayroong malisyosong pagpapalabas ng video footage noong ako’y nasa NAIA? Kuha sa isang lugar kung saan pawang mga empleyado lamang ng paliparan at piling mga tao ang maaring nandoon. Hindi na baleng ako, ngunit nakuha at naisapubliko rin sa naturang video ang aking asawa at mga menor de edad na anak na naging isang malaking banta sa kanilang seguridad,” giit pa ni VP Sara.

Ibinunyag din ni Vice President Sara na kamakailan ay may mga operatiba ng PNP sa lugar kung saan siya nakatira para mag-casing. Pilit aniyang inaalam ang mismong bahay na kaniyang inuupahan at ang bahay kung saan nakatira ang kaniyang mga anak. Buti na lang niya ay napigilan ng mga opisyal ng homeowners’ association.

“Bukod pa rito, kamakailan lang ay nagtungo rin ang mga operatiba ng PNP sa lugar kung saan ako nakatira upang “mag-casing.” Pilit pang inaalam kung nasaan mismo ang bahay na inuupahan ko. Bahay kung saan rin nakatira ang aking mga anak. Kung hindi ito napigilan ng mga nagmagandang loob na opisyal ng homeowners’ association, hindi ko na alam kung ano pa ang maaring mangyari,” saad pa ng bise presidente.

Dagdag pa na tanong ni Vice President Sara na kung sinasabi ni Marbil ay walang banta sa pangalawang pangulo, bakit puwede pang mag-request ng dagdag na personnel at bakit nagtira pa ng 45 tauhan ng PNP na si Marbil pa ang pumili?

“Isa pa. Sinasabi mong walang threat pero puwedeng mag-request ng dagdag na personnel. Ano ba talaga? Kung talagang wala kang nakikitang banta laban sakin, bakit nagtira ka pa ng 45 na tauhan ng PNP na ikaw ang pumili?” giit pa nito.

Kaya sabi ng Pangalawang Pangulo sa Hepe, pagdating sa seguridad ng kaniyang pamilya siya ang magsasabi kung sino ang karapat-dapat, hindi si Marbil. Sabi niya kay Marbil, batas lang siya at hindi siya Diyos.

“Tandaan mo, pagdating sa seguridad ng aking pamilya, ako ang magsasabi kung sino ang karapat-dapat, hindi ikaw. Batas ka lang, hindi ka Diyos,” giit pa ni VP Sara.

Sabi naman ni Marbil na ang pag-relieve sa mga security detail ni VP Sara ay para sa police visibility.

Para sa pangalawang pangulo, maganda sana ang hangarin kung totoo, pero kaduda-duda aniya dahil ang 38 sa 75 PNP personnel ay nagmula pa sa Mindanao at inilipat sa NCR na para bang aniya ay hindi kulang ang pulis sa Mindanao.

Matagal nang isyu ani VP Sara ang kakulangan ng pulis at hindi mahahabol ni Marbil ang police to population ratio sa pagkuha nito ng tauhan sa kaniyang security. Pagbibigay-diin ng pangalawang pangulo na ang kailangan ng PNP ay isang hepe na makabagong mag-isip, at gagamit ng mga makabagong teknolohiya para solusyunan ang problema sa peace and order.

“Simula ng maging Mayor ako ng 2010, nandiyan na ang isyu ng kakulangan ng pulis. Hindi mo mahahabol ang police to population ratio mo sa pagkuha ng security ko. Ang kailangan ng PNP ay isang Chief na makabago mag-isip, at gagamit ng makabagong teknolohiya, drones, innovations at iba pa, upang mabigyan ng solution ang isyu ng peace and order,” saad pa nito.

Kaya pag-aalala ni VP Sara na kung kaya ni Marbil na ilagay sa alanganin ang kaniyang seguridad, paano na lang sa karaniwang taumbayan gaya ng ginawang intimidation ng PNP sa mga ordinaryong mamamayan para sa pagsilbi ng arrest warrant kay Pastor Apollo C. Quiboloy.

“Kung kaya ninyong ilagay sa alanganin ang aking seguridad, nag-aalala ako sa uri ng harassment na kaya ninyong gawin sa karaniwang taumbayan— tulad na lang ng intimidation sa mga ordinaryong mamamayan para sa service ng warrant of arrest para kay Pastor Quiboloy sa Davao City kamakailan,” ani VP Duterte.

Sabi ni VP Sara na ang pagtanggal ng mga PNP personnel ay nangyari matapos siyang magbitiw sa Department of Education (DepEd), pagkatapos niyang inihambing ang SONA sa isang catasrophic event, at kasunod ng paglabas ng cocaine video.

Sinabihan niya si Marbil na huwag nang idamay ang mga mamamayan sa lahat ng mga kasinungalingan. Malinaw aniya na ang nangyayari ay isang political harassment.

“Let us spare our people from all the lies. Let us call it what it is — a clear case of political harassment,” ani VP Duterte.

Sa huli, paalala ni VP Sara kay Marbil na laging magsabi ng totoo para hindi magkabuhol-buhol ang kaniyang mga kuwento.

Senator Dela Rosa, may panawagan sa mga dating PNP at AFP Personnel

Samantala, nanawagan naman si Sen. Bato dela Rosa sa mga dating PNP at AFP personnel na bihasa sa unarmed combat na magsabi kung handa silang magbigay ng seguridad at proteksiyon kay VP Sara.

“Attention former PNP/AFP pers who are good at unarmed combat & volunteering to provide security & protection to VP Inday Sara please sound off! Bayanihan lang walang sweldo,” anyaya ni Sen. Dela Rosa.

Pagtanggal ni PNP Chief Marbil sa 75 police security detail ni Vice President Sara, napakasama—Atty. Roque

Samantala, nakapakasama para kay dating Presidential Spokesperson Atty. Harry Roque ang naging direktiba ni Marbil na tanggalan si Vice President Sara ng police security detail.

“Napakasama po ng kanilang plano. Kasi ibig sabihin, nabawasan ang seguridad ng ating Vice President,” ayon kay Atty. Harry Roque, Dating Presidential Spokesperson.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble