PUMALO na sa 87 ang kabuuang kaso ng COVID-19 Omicron BA2.12.1 subvariant sa Pilipinas.
Ito ay matapos makapagtala ang Department of Health (DOH) ng 17 na karagdagang kasong BA2.12.1 mula sa 6 na indibidwal sa Region 6, sampu sa Region 11 at mula sa isang returning overseas Filipino.
Sinabi ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire na 15 sa mga kaso ang tagged as recovered na habang ang natitirang dalawa ay sumasailalim pa rin sa isolation.
Dalawa naman aniya sa mga kaso ang nagpakita ng mild symptoms, isa ay may severe symptoms, isa ang asymptomatic habang beneperipika pa ang natitirang 13 na kaso.
Sa ngayon, beneperipika pa ang vaccination status, exposure at travel histories ng mga nagpositibo sa BA.2.12.1.
Samantala, pumalo na sa 12 ang BA.4 cases sa bansa matapos itong madagdagan ng 2 kaso mula sa Region 11 at 12.
Sinabi ni Vergeire na nakarekober na ang dalawang indibidwal na pawang nagpakita ng mild symptoms kung saan isa dito ang fully vaccinated at ang isa ay hindi pa bakunado kontra COVID-19.