MAKATATANGGAP ng kanilang mid-year bonus ang mga kwalipikadong kawani ng gobyerno simula Mayo 15 ngayong taon.
Ito ang kinumpirma ni Department of Budget and Management (DBM) Secretary Amenah Pangandaman.
Dagdag ni Pangandaman, malaki ang maitutulong nito sa pang-araw-araw na pangangailangan ng mga empleyado ng gobyerno.
Kaya naman, nagpaalala ang budget chief sa lahat ng ahensiya at tanggapan ng gobyerno na tiyakin ang maagap at napapanahong pagpapalabas ng mga bonus sa kanilang mga empleyado.
Ang mid-year bonus ay katumbas ng isang buwang basic pay ng mga kwalipikadong kawani ng pamahalaan as of Mayo 15.
Ibinibigay ito sa mga karapat-dapat na mga empleyado na nagtrabaho ng hindi bababa sa apat na buwan mula Hulyo 1, 2023 hanggang Mayo 15, 2024.
Inihayag pa ng DBM na ang kawani ay dapat na nasa serbisyo pa rin ng gobyerno mula Mayo 15 ng kasalukuyang taon.
Dapat nakatanggap din ang mga ito ng hindi bababa sa satisfactory performance rating sa pinakahuling rating period, o naaangkop na panahon ng performance appraisal.
Ipagkakaloob ang mid-year bonus sa mga civilian personnel, kasama ang mga regular, casual, at contractual employees.
Bukod sa kanila, mabibigyan din ng mid-year bonus ang mga military at uniformed personnel.
Samantala, ang alokasyon ng mid-year bonus para sa mga kawani sa mga lalawigan, lungsod, munisipalidad, at barangay ay itatalaga ng kanilang mga sanggunian, na napapailalim sa mga kondisyon ng patakaran para sa layunin sa ilalim ng DBM Budget Circular No. 2017-2.