SA isang matagumpay na operasyon ng PNP Regional Office 7, nadakip ang mga pangunahing kasapi ng tatlong kilabot na gun-for-hire groups sa rehiyon.
Ayon kay PRO7 Director PBGen. Red Maranan, matagal nang minamanmanan ng mga otoridad ang mga grupong ito, na responsable umano sa serye ng malalaking krimen sa Central Visayas—kabilang na ang magkakasunod na kaso ng pamamaril sa Cebu noong nakaraang buwan.
Sa ikinasang operasyon, kinilala ang mga suspek na kasapi ng Ylaya Group, Tañeza Group, at Bano Group—mga grupong kilalang sangkot sa gun-for-hire activities at iba pang kriminalidad sa rehiyon.
Batay sa imbestigasyon, ang Bano Group ang nasa likod ng pamamaril sa Toledo City noong Marso 5, kung saan isang miyembro nito ang nasawi matapos manlaban sa mga pulis.
Samantala, isang menor de edad ang nailigtas mula sa Tañeza Group, na ginagamit umano sa mga iligal na aktibidad ng grupo.
Maliban sa mga baril at bala na narekober mula sa mga suspek, nasamsam rin ang mahigit 160 gramo ng shabu na tinatayang nagkakahalaga ng isang milyong piso.
Agad nang sinampahan ng kaukulang kaso ang mga suspek, habang patuloy ang mas pinaigting na operasyon ng mga otoridad upang tuluyang buwagin ang iba pang grupong nasa likod ng karahasan sa rehiyon.