MGA lobong nagdadamit tupa. Ganito inilarawan ni Pastor Apollo C. Quiboloy ng The Kingdom of Jesus Christ ang mga mapagkunwaring galaw ng mga komunista sa pag-usbong ng maraming community pantry sa bansa.
Tila hindi na nga mapipigilan ang hawaan ng pagpapatayo ng iba’t-ibang klase ng community pantry sa ibat-ibang panig ng bansa.
Mula sa maliit hanggang lumaki, mula sa isa hanggang dumami. Lumago at yumabong din ang bayanihan ng mga Pilipino para tulungan ang mga mahihirap sa gitna ng pagtama ng COVID-19 pandemic sa bansa.
Sa katunayan, mula sa gulay at grocery, nakiisa na rin ang pamahalaan sa mga programa ng iba’t-ibang indibidwal na magtayo ng community pantry, ang mahalaga, magtulungan at maiangat ang bawat isa.
Ang Department of Environment and Natural Resources (DENR), may sarili ring community pantry pero hindi pagkain kundi mga buto o seedlings ng mga punong kahoy, binhi ng prutas at ng mga gulay ang pinamigay ng ahensya sa kanilang community pan-tree.
(BASAHIN: DENR-NCR, namigay ng mga puno sa kanilang ‘Community Pan-Tree’)
Pero sa kabila ng mga ganitong programa, nauna nang ikinaalarma ng pamahalaan ang panghihimasok ng mga komunista sa pagtatayo ng community pantry na layong manghikayat ng mga tao na umanib sa kanila laban sa gobyerno.
Marami na rin ang kumalat sa social media na pamimigay ng pamphlet o flyers na nanghihimok sa iba para tuligsain ang sinasabing kakulangan ng pamahalaan.
Nauna na rin itong kinondena ng National Task Force to End Local Armed Conflict o NTF-ELCAC dahil sa posibleng ginagamit lang ang community pantry upang ipakita ang pagdagsa ng mga tao na nangangailangan ng tulong.
Bagay na nagdulot din ng pangamba sa mga organizer ng pantries kaugnay sa usapin ng red tagging o profiling na pinabulaanan naman ng gobyerno.
Nito lamang isang araw, kumalat sa social media ang biglaang pagdagsa ng mga tao sa Maginhawa St. sa madaling araw kung saan biglang nagtakbuhan ang mga tao para pumila sa harapan ng Barangay Teachers Village Hall sa Quezon City para humingi ng tulong at naulit pa ang senaryo sa sumunod na araw.
Lumalabas na tila hinakot ang mga tao para dumugin ang lugar.
Bukod sa nilalabag ang curfew guidelines, hindi rin nasusunod ang social distancing.
Para kay Pastor Apollo C. Quiboloy ng The Kingdom of Jesus Christ na kilala rin bilang isang pilantropo, hindi ito sang-ayon sa pananabotahe ng mga makakaliwang grupo upang samantalahin ang programa para manlinlang ng maraming tao at gamitin laban sa gobyerno.
Para sa butihing Pastor, katulad lang ang mga ito ng isang lobo na nagdadamit-tupa.
Aniya, mga nagkukunwaring tumutulong pero iba pala ang pakay nila.
Para sa butihing pastor, sa ganitong panahon, dapat mangibabaw ang pagtutulungan at hindi ang pagsira sa bayan
Sa huli, nanawagan si Pastor Apollo sa lahat ng Kristiyano na gamitin ang aspeto ng pagiging masunurin sa Salita ng Diyos at hindi para sa kasamaan gaya ng paglalagay ng masamang motibo para ibagsak ang gobyerno.
Sa huli, walang nakikitang masama ang butihing Pastor sa pagdami ng bilang ng community pantry sa bansa pero aniya mas mainam kung gagawin ito bilang tulong sa gobyerno at iwasang gamitin ang mga mahihirap na Pilipino upang pabagsakin ang gobyerno.
(BASAHIN: National Security Council, umalma na may komunismo sa community pantry)