Mga kontrobersyang kinasasangkutan ng COMELEC, nakapangingilabot– Enrile

Mga kontrobersyang kinasasangkutan ng COMELEC, nakapangingilabot– Enrile

NAKAPANGINGILABOT ang mga kontrobersya ngayon ng Commission on Elections (COMELEC).

Ito ang tahasang sinabi ni dating Senate President Juan Ponce Enrile sa kanyang programa na Dito sa Bayan ni Juan sa SMNI News.

Ito ay kasunod ng ulat ng pagkakaroon ng data breach sa system ng Smartmatic.

Ayon sa report, mayroon isang empleyado ng Smartmatic na umano’y hinayaang kopyahin ang mga files ng eleksyon ng isang grupo.

Binigyang-diin ni Enrile na isa itong nakapangingilabot na bagay dahil baka aniya sa halip na ang tao ang maghalal, ay ang makina na ang maghahalal ng mga mamumuno sa bansa.

Dahil dito, sinabi ni Enrile na dapat imbestigahan ito ng mga kinauukulan kung totoo man o hindi, at mabigyang-proteksyon ang boto ng taumbayan.

Ipinunto rin ni Enrile na kung ang dating sistema ng eleksyon ang gagawin, ay malilimitahan pa ang dayaan.

Ito ay dahil magkakaroon ng mga kinatawan ang mga partido sa bawat presinto para bantayan ang pagbibilang ng boto.

Samantala, kaugnay naman sa pag-imprenta ng COMELEC sa mga balota nang walang testigo o witness, sinabi ni Enrile na dapat susundin ng COMELEC ang nakasaad sa batas at dapat na managot ito kasama na rin ang National Printing Office bilang mga ahensya ng gobyerno.

Follow SMNI NEWS in Twitter