AYON kay Norberto Gonzales, senatorial candidate at former defense secretary, dahil sa patuloy na korapsiyon, nawawalan na ng tiwala ang taumbayan sa kasalukuyang administrasyon.
Halos tatlong taon na ang nakalipas mula nang maupo bilang pangulo ng bansa si Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Nangangalahati pa lang ito sa kaniyang termino ngunit isinisigaw na ng milyun-milyong Pilipino ang kanilang sentimyento— ang pagbaba ni Marcos Jr. sa puwesto.
Kaliwa’t kanan na rin ang mga kilos-protesta, hindi lang sa Luzon, Visayas, at Mindanao kundi sa iba’t ibang panig ng mundo.
Sigaw ng maraming Pilipino—palitan ang kasalukuyang namumuno dahil sa talamak na korapsyon ng mga politiko.
Sa panayam ng SMNI News kay dating kalihim ng Department of National Defense (DND) at ngayo’y senatorial candidate na si Norberto Gonzales, sinabi niyang maraming Pilipino ang hindi natitikman ang mga benepisyong dapat ay para sa kanila dahil sa matinding korapsiyon.
“Kailangan iboto n’yo ako kasi kami ang gumagawa ng listahan kung sino ang makakatanggap… alam mo, marami sa mga kababayan natin ang hindi nakakatanggap ng mga benepisyo na ganyan ang basehan ng pagtanggap ng benepisyo na nanggagaling sa gobyerno natin,” pahayag ni Norberto Gonzales, Senatorial Candidate | Former Defense Secretary.
Mas marami na aniya ngayon ang mga Pilipinong hindi nababayaran at tumatanggong sumuporta sa kurapsyon. Dagdag pa niya, hindi na raw kataka-taka na marami ang lumalabas para magsagawa ng mga kilos protesta.
“Nahihinog na ‘yan sa pag-iisip at pakiramdam ng marami nating kababayan kaya ‘pag nagkaroon ng isang pagkilos para palitan ‘yong mga nakikita nilang maling pamumulitika, maraming sasali diyan,” ani Gonzales.
Ngunit para kay Gonzales, hindi sapat ang sigaw ng bayan kung walang lider na tatayo para sa kanilang ipinaglalaban.
“Pero naghahanap ng mga lider ang taong bayan natin kaya maganda na may nasasabi ka na nai-encounter mo sa mga interview na may mga ilang political leaders na gustong kumampi sa mamamayan na wala nang kurapsyon. Maganda ‘yan sa darating na panahon,” dagdag nito.
Kung palaring manalo at mailuklok sa Senado, ipinangako ni Gonzales na kabilang siya sa mga senador ng PDP-Laban na magtataguyod ng zero corruption, kagaya ni Pastor Apollo C. Quiboloy.
Sa huli, nilinaw ni Gonzales na hindi magiging madali ang pagbuwag sa sistemang matagal nang umiiral sa gobyerno. Pero sa tulong ng mga mamamayang namulat na sa katotohanan, magiging magaan na raw ang paglilinis ng gobyerno.
Follow SMNI News on Rumble