MILYONG-milyong piso ang umano’y nawawala sa mga trucker sa bansa tuwing sila ay magbibiyahe ng mga produkto partikular na sa papasok ng Metro Manila.
Ito ang isinumbong ng isang grupo ng mga trucker sa Department of the Interior and Local Government (DILG) at sa Philippine National Police (PNP).
Ayon sa Confederation of Truckers Association of the Philippines, kung anu-anong mga binabayaran umano nila sa pagpoproseso ng kanilang mga produkto at sinasabayan pa ng pangongotong ng ilang grupo.
Sa pakikipagpulong ng Department of the Interior and Local Government (DILG) at Philippine National Police (PNP) sa mga complainant, may iisang malaking grupo umano at ilang indibidwal ang sangkot sa extortion sa mga trucker para lamang mabilis na makadaan sila sa lansangan.
Napag-alaman din na wala namang truck ban na ipinatutupad ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) pero panay traffic violations ang kanilang nakukuha sa ilang traffic enforcers na kadalasa’y pinapalampas na lang kaysa malugi sa ka-transaksiyon.
Bilang tugon, magkakasa ang DILG at PNP ng isang malakihang operasyon sa susunod na mga araw upang tugunan ang reklamo.
Sa parte ng PNP, agad silang maglalagay ng dagdag na PNP personnel sa mga pangunahing lansangan at inner roads sa Metro Manila para manmanan ang mga nananamantala sa mga trucker na ito.
Samantala, isa sa mga tututukan sa imbestigasyon ng PNP ay kung may mga kasamahan nga ba sila na sangkot sa umano’y pangongotong.