MAKATATANGGAP ng tulong pinansyal ang mga kwalipikadong mag-aaral sa Davao mula sa lokal na pamahalaan sa pakikipagtulungan ng Consulate General of the People’s Republic of China sa Davao City.
Nagkakahalaga ng P8,000 mula sa bagong programang inilunsad ng local government unit Davao special projects sa ilalim ng pangunguna ni Mayor Inday Sara Duterte.
Ayon kay Presidential Commission for Urban Poor Commissioner Norman Baloro na siya ring program manager ng proyektong ”Sprout Award: Scholarship of the Consulate General of the People’s Republic of China in Davao for outstanding students in Mindanao,” target nito na makapagbigay ng tulong pinansyal sa mga piling karapat-dapat na mga estudante.
Ayon pa kay Baloro, napapanahon ang naturang pagbibigay ng tulong upang maibsan ang mga pinansyal na pangangailangan ng mga pamilya.
Matatandaan noong October 16, 2020, nasa 310 estudante ang napagkalaooban ng mga libreng gadgets na magagamit sa kanilang pag-aaral sa ilalim ng programang Student Siblings Laptop Sharing Projects (SSLSP) na sponsored rin ng Consulate General ng PRC sa Davao City na layon namang makatulong sa mga indigent students upang maka-access sa distance learning bunsod ng nagpapatuloy na pandemya.
Base sa guidelines ng qualifications nararapat na bahagi sila ng 310 na napagkalooban ng gadgets noong nakaraang taon at kinakailangang bahagi din ng top 10 ng kanilang klase para sa School Year 2020-2021.
Nakatakdang pumili ang Consulate General ng 40 kwalipikadong mag-aaral sa Davao na makakatanggap ng cash assistance na maaring pambili ng school supplies na kanilang magagamit.