Mga lalabag sa oil price freeze, binalaan ng DOE

Mga lalabag sa oil price freeze, binalaan ng DOE

MATINDING kaparusahan ang naghihintay sa mga taong mananamantala sa oil price freeze partikular sa mga lugar na apektado ng Bagyong Agaton ayon sa Department of Energy (DOE).

Matatandaang nagdeklara ang DOE ng 15 araw na price freeze sa produkto ng petrolyo sa mga lugar na lubhang naapektuhan ng Bagyong Agaton.

Kasabay nito, binalaan ng ahensya ang mga taong mananamantala sa naturang oil price freeze.

Sinabi pa ni Dir. Rindo Abad, Oil Industry Management Bureau (OIMB-DOE), matinding kaparusahan ang naghihintay para sa mga mahuhuling lalabag.

“Kapag ikaw ay sumusobra ng 10% doon sa price during the price freeze ay maidi-declare ka pong nagpa-practice ng what we call the ‘profiteering’. At saka dahil diyan, mayroon po tayong penalty, both fine at saka imprisonment, so mayroon po iyang one year but not more than 10 years of imprisonment at saka fine of not less than P5,000 but not more one million pesos,” pahayag ni Abad.

Maliban dito, isinama rin sa price freeze sa mga naturang lugar ang kerosene at ang 11 kilogram liquefied petroleum.

Kabilang dito ang bayan ng Sara, Passi, at Lemery sa Iloilo at gayundin ang bayan ng Pototan sa Leyte.

Nabatid din na ang mga naturang bayan ay kabilang sa isinailalim sa state of calamity.

Mananatili ang price freeze sa loob ng 15 araw kung saan epektibo ito hanggang Abril 26 sa bayan ng Sara at Passi sa Iloilo.

Habang iiral naman ito hanggang Abril 27  sa Lemery, Iloilo at Pototan sa Leyte.

Samantala, nakaamba ngayong Martes ang dagdag-singil sa produkto ng langis.

Sa pinakahuling datos ng DOE, tataas sa higit P3 ang dagdag singil sa bawat litro ng gasoline at kerosene habang higit P4 naman sa kada litro ng diesel.

Panawagan ng DOE sa publiko, maging wais sa paggamit ng krudo.

“Gamitin din po iyong wais na pag-consume ng fuel. Kung gagamit ng sasakyan, sana iyong mga mas importanteng lakad at kung pupuwede, malimitahan lang muna iyong mga hindi naman importante at ito’y [talagang] makabawas sa gastusin nila sa fuel,” ayon kay Abad.

Follow SMNI News on Twitter