Mga LGU, kinilala ni PBBM dahil sa matagumpay na pre-emptive evacuation sa mga apektado ng Bagyong Karding

Mga LGU, kinilala ni PBBM dahil sa matagumpay na pre-emptive evacuation sa mga apektado ng Bagyong Karding

KINILALA ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. (PBBM) ang mga hakbang na ginawa ng local government units (LGUs) sa matagumpay na pre-emptive evacuation sa mga apektado ng Bagyong Karding.

Binigyang-diin ni Pangulong Marcos ang kahalagahan ng maagap na paghahanda lalo na sa panahon ng kalamidad.

Pinuri ni PBBM ang epektibong preparasyon at pagresponde ng LGUs sa gitna ng pananalasa ng Bagyong Karding.

Ayon kay PBBM, matagumpay ang ipinatupad ng LGUs  maging ng national agencies na pre-emptive evacuation sa mga komunidad na naapektuhan ng Typhoon Karding.

Partikular dito ang pagpapalikas agad sa mga tao mula sa panganib sa pamamagitan ng pagpapadala ng government assets pagdating sa pagre-rescue at sa relief operation.

Saad pa ni Pangulong Marcos, maayos ang pagganap ng mga LGU pagdating sa pagpapaliwanag sa kanilang nasasakupan patungkol sa sitwasyon at pangangailangan na maiwasan ang matinding epekto ng kalamidad.

Iginiit din ng Chief Executive ang kahalagahan ng pagkakaroon ng maayos na weather forecast mula sa Philippine Atmospheric, Geophysical, and Astronomical Services Administration (PAGASA).

Ito ay upang magkaroon ang local officials at government agencies ng sapat na panahon na makapaghanda.

Kinilala rin ni Pangulong Marcos ang kahalagahan ng maayos na koordinasyon sa pagitan ng mga ahensiya at mga LGU.

Una nang nagbigay ng direktiba si Pangulong Marcos sa dam managers na makipag-coordinate sa mga LGU bago magpakawala ng tubig para makapaghanda ang mamamayan at maiwasan ang pagbaha sa low-lying communities.

Samantala, inihayag ni PBBM na hindi pa magtatapos sa pre-emptive evacuation ang pagresponde ng pamahalaan bagkus target din ng gobyerno na mapabalik sa kani-kanilang mga tahanan ang mga ito.

Kaugnay nito, binigyang-diin ng Punong Ehekutibo na nais niya itong maging template sa hinaharap na pagtugon ng gobyerno sa kalamidad.

Follow SMNI News on Twitter