Mga LSI na walang resulta sa swab test, pinagbawalan muna sa Manila North Harbor

Mga LSI na walang resulta sa swab test, pinagbawalan muna sa Manila North Harbor

NAKIKIUSAP ang pamunuan ng Philippine Ports Authority (PPA) sa mga Locally Stranded Individual (LSI) na huwag na munang magpunta sa Manila North Harbor kung walang hawak na resulta ng swab test.

 

Personal na nakikiusap si PPA General Manager Jay Santiago, sa lahat ng locally stranded individual na sa Maynila na huwag munang bumiyahe patungong Manila North Harbor kung walang kaukulang dokumento na nagpapakita na negatibo ito sa swab test.

 

Karamihan sa mga LSI na nasa labas ng North Harbor ay walang mga dalang negative RT-PCR result kung saan wala rin silang mga hawak na tiket.

 

Ipinunto ni Santiago na sa ilalim ng guidelines ng National Task Force (NTF), kinakailangan na mayroong negative result ng RT-PCR ang mga nais umuwi ng kani-kanilang probinsiya.

 

Matatandaang sinuspinde muna ng NTF ng dalawang linggo ang pagbabalik lalawigan ng mga LSI kaya’t nanawagan siya sa mga ito na bumalik na lang muna kung saan sila nanggaling o kaya ay maghanap ng pansamantalang matutuluyan.

 

Hintayin na lang din ang anunsiyo ng NTF o ng Inter-Agency Task Force (IATF) kung kailan muli papayagan o ipagpapatuloy ang paghahatid sa mga LSI sa mga probinsya.

 

Hinaing naman ng ilang LSIs na wala na nga silang hawak na pera kung kaya’t hindi na nila alam kung papaano makaka-avail ng swab test.

 

Nasa 187 na LSI ang kasalukuyang naninirahan sa PPA multipurpose hall  at may mga pagkain naman na nakalaan sa kanila habang naghihintay ng kanilang pag-alis.

 

POL MONTIBON

Leave a Reply

Your email address will not be published.