Mga lugar na isinailalim sa Alert Level 1, nadagdagan pa

Mga lugar na isinailalim sa Alert Level 1, nadagdagan pa

NADAGDAGAN pa ngayon ang mga lugar na isinailalim sa Alert Level 1 makaraan ang anunsyo ng Malakanyang patungkol sa alert level status sa Metro Manila.

Simula ngayong araw, Mayo 3-15, mas marami pang lugar ang isinailalim sa Alert Level 1 status.

Ayon kay Communications Secretary at Acting Presidential Spokesperson Martin Andanar, inaprubahan ng Inter-Agency Task Force (IATF) ang rekomendasyon ng Sub-Technical Working Group for Data Analytics.

Kabilang sa mga probinsya, highly urbanized cities (HUCs), at independent component cities (ICCs) na inilagay sa Alert Level 1 hanggang Mayo 15 ang sumusunod:

Luzon:

Region II: Nueva Vizcaya

Mindanao:

Region X: Misamis Occidental

Habang kasama naman sa component cities at municipalities na isinailalim din sa Alert Level 1 ang:

Visayas:

Region VII: Talisay City, Cebu

Mindanao:

Region XII: Antipas, North Cotabato & Banga, South Cotabato

Samantala, ang Alert Level classifications ng component cities at municipalities sa ilalim ng IATF Resolution Nos. 165-G (s.2022), 166-A (s.2022), 167-A (s.2022) na hindi apektado ng resolution na ito ay mananatiling may bisa hanggang Mayo 15 ngayong taon.

Una nang inanunsyo ng Malakanyang na mananatili sa Alert Level 1 ang National Capital Region simula May 1-15 sa kabila ng ulat na nakapasok na sa bansa ang Omicron sub variant BA.2.12.

Bagama’t umakyat na sa 0.7 ang COVID-19 reproduction rate sa Metro Manila, sinabi ng OCTA Research na hindi pa rin ito dahilan para ika-alarma ng lahat.

Inihayag ni OCTA Research fellow Dr. Butch Ong na nananatiling mababa ang daily new cases na nasa 200.

Gayunpaman, mino-monitor pa rin ng OCTA ang ilang lugar kasama na rito ang NCR, Cavite, Rizal, Cotabato, Zamboanga, at Batangas.

Follow SMNI News on Twitter