Mga lugar na sinasalanta ng Bagyong Jolina, binabantayan na ng pamahalaan

Mga lugar na sinasalanta ng Bagyong Jolina, binabantayan na ng pamahalaan

NAGPAPATULOY ang monitoring sa mga lugar na ngayon ay sinasalanta ng Bagyong Jolina ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC).

Mahigpit ang pakikipag-ugnayan ngayon ng NDRRMC sa kanilang mga Regional DRRMC para agad matukoy ang mga dapat na gawin o pangangailangan sa mga lugar na sinasalanta ng Bagyong Jolina.

Sa Maydolong, Eastern Samar, makikita sa mga larawan na ipinadala ni Gina Celada Porton ang yuping mga bubong at mga natumbang punong kahoy dahil sa lakas ng hangin dulot ng Bagyong Jolina.

Samantala sa Guiuan, Eastern Samar pa rin, makikita naman ang mga naiwang baha sa ilang komunidad sa lugar dahil sa malakas na pagbuhos ng ulan.

Yuping yupi rin ang mga bubong ng maraming kabahayan.

Nagsipagtumbahan din ang mga puno ng saging.

Ayon sa residente na si Gina na nasa katabing bayan lang ng mga nabanggit na mga apektadong lugar, malakas ang hangin at pagbuhos ng ulan hanggang sa tuluyang napadapa ang mga kabahayan na may mahihinang pundasyon.

Kasama na rito ang mga punongkahoy.

Kaugnay dito, mahigpit ang paalala ng NDRRMC sa publiko lalo na ang mga lugar na tumbok ng Bagyong Jolina na palaging i-monitor ang weather updates, gawin ang mga precautionary measure, sumunod sa LGU kung mayroon evacuation habang sinusunod ang minimum health standards para proteksyon laban sa COVID-19.

Mula sa isinagawang Pre-Disaster Risk Assessment meeting ng NDRRMC,  pinag-usapan dito ang mga paghahanda sa epekto ng Bagyong Jolina ngayong may pandemya.

SMNI NEWS