Mga lumikas sa Batangas, umabot na sa higit 6K dahil sa pag-alboroto ng Bulkang Taal

Mga lumikas sa Batangas, umabot na sa higit 6K dahil sa pag-alboroto ng Bulkang Taal

INIHAYAG ni National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) Spokesperson Mark Timbal na umabot na sa mahigit 6,000 ang kabuuang bilang ng mga lumikas dahil sa patuloy na pag-aalboroto ng Bulkang Taal ayon sa Phivolcs.

Ani Timbal, ang mga residenteng lumikas ay mula sa mga high-risk barangays ng bayan ng Laurel at Agoncillo sa Batangas.

Bukod pa rito, mayroon na ring boluntaryong lumikas mula sa ibang high-risk areas na tumutuloy sa kanilang mga kamag-anak.

“23 evacuation centers po ang ating ginamit. Isa pong tinutukan talaga natin, ‘yung ating COVID-19 protection procedure,” pahayag ni Timbal.

Aniya, sinama na ito ng gobyerno sa sistema sa mga evacuation center simula 2020.

Gumagawa na ng paraan ang iba’t ibang ahensya ng gobyerno para maipatupad ang mga COVID-19 protocol sa mga evacuation center.

1 tent, 1 family sa evacuation center

Samantala, kumikilos na ngayon ang iba’t ibang ahensya ng gobyerno para matulungan ang aabot sa mahigit 6,000 indibidwal na nananatili sa mga evacuation center sa bayan ng Laurel at Agoncillo, Batangas dahil sa patuloy na pag-aalboroto ng Bulkang Taal.

Ani Timbal, sa pamamagitan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), nagpapadala na ang gobyerno ng karagdagang mga tent at food packs para madagdagan ang mga suplay na inilaan ng mga lokal na pamahalaan.

“Yung face naman po, daglian pong nagpadala itong ating mga kasamahan sa Department of Health ng mga, surgical face mask at N-95 mask kasama ng mga gamot at medical supplies na kakailanganin sa mga evacuation centers,” ayon kay Timbal.

Bukod pa rito, aabot naman sa 50,000 washable face masks ang ibinigay ng Department of Science and Technology (DOST) sa Batangas.

Kaugnay nito, tumutulong din ang Philippine National Police (PNP) at mga lokal na pamahalaan para maipatupad ang minimum health standards.

BASAHIN: Kaligtasan ng mga kabataan, pinatitiyak sa panahon ng pag-aalboroto ng Taal

SMNI NEWS