Mga maaapektuhang magsasaka dahil sa El Niño, hahatiran ng ayuda—DSWD

Mga maaapektuhang magsasaka dahil sa El Niño, hahatiran ng ayuda—DSWD

TINIYAK ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na may sapat na pondo ito at supply ng food and non-food items na handang ipamahagi sa mga maaapektuhan ng paparating na El Niño.

Partikular na tinukoy ng DSWD ang mga magsasaka at manggagawang bukid.

Kabilang ito sa tinalakay sa pulong ni DSWD Secretary Rex Gatchalian kasama ang iba’t ibang field offices upang suriin ang kahandaan ng mga regional director para sa El Niño phenomenon.

Siniguro naman ng regional directors at officers na mananatiling nakaalerto ang kanilang field offices na may sapat na pondo at imbak na pagkain.

Naka-standby rin ang Social Welfare and Development Teams sa iba’t ibang rehiyon at nakikipag-ugnayan sa mga LGU upang matukoy at matulungan ang mga maaapektuhan ng tagtuyot.

Sa kasalukuyan, ang DSWD Central Office, ang FOS at ang National Resource Operations Center (NROC) ay may mga stockpile at standby funds na umaabot sa mahigit P1.35-B.

Base sa monitoring ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), na Hulyo, Agosto at Setyembre ang posibilidad ng pag-develop hanggang 80% dahil sa El Niño.

Sa Oktubre, Nobyembre at Disyembre ay magsisimula na ang epekto ng tag-tuyot, at sa Enero, Pebrero, Marso at Abril 2024 ay inaasahan ang impact ng El Niño.

Follow SMNI NEWS in Twitter