Mga magnanakaw ng 2M halaga ng diesel, arestado sa Pampanga

Mga magnanakaw ng 2M halaga ng diesel, arestado sa Pampanga

LABING-walong indibidwal ang arestado dahil sa umano’y pagnanakaw ng 50,000 litro ng diesel na nagkakahalaga ng mahigit Php 2 milyon sa Barangay San Antonio, Guagua, Pampanga noong Disyembre 27, 2024, bandang 11:50 ng gabi.

Ayon sa ulat, dakong alas-11:30 ng gabi ay personal na nagtungo sa Guagua Municipal Police Station si Hero Lacap, area manager ng ENP Fuel Trading, upang ipagbigay-alam na ang tanker ng kanilang kumpanya na may plate number na JAO 2872, na minamaneho ni Luciano Romasasa (kasalukuyang pinaghahanap), ay natagpuang inabandona at walang laman sa kahabaan ng JASA Road, Barangay San Antonio, Guagua, Pampanga.

Gamit naman ang mga CCTV footage, natunton ang isang bakanteng loteng binakuran ng bakal na may nakahintong trak na may plate number na NDD 6453 sa loob.

Sa pagsisiyasat ng mga otoridad, napag-alaman na ang nasabing trak ay ginagamit sa iligal na pagsasalin ng diesel (“PATULO”).

Agad na inaresto ang mga suspek sa nasabing lugar na kinilalang sina alias “Onin,” alias “Rey,” alias “Bagang,” alias “Lito,” alias “Son,” alias “Jovi,” alias “Nan,” alias “Nold,” alias “Tantan,” alias “Ryan,” alias “Vin,” alias “Jo,” alias “Jr,” alias “Mer,” alias “Zaldy,” alias “Meng,” alias “Yan” at alias “Tonio.”

Samantala, nakumpiska rin ng mga pulis ang limang (5) tanker truck na may kargang diesel na hindi pa matukoy ang dami at isang (1) multicab na may plate number na YDF379 na may kargang 24 na lalagyan ng gasolina.

“Ang matagumpay na operasyon laban sa pagnanakaw ng diesel ay patunay ng kasipagan at dedikasyon ng ating mga kapulisan sa pagpapanatili ng kaayusan at kaligtasan sa ating rehiyon. Hindi natin papayagang mamayani ang mga ganitong uri ng kriminalidad. Hinihikayat ko rin ang publiko na patuloy na makipagtulungan sa ating mga otoridad upang masugpo ang mga ganitong iligal na aktibidad,” ayon kay PBGen. Redrico A. Maranan, Regional Director ng Police Regional Office 3.

Patuloy na inihahanda ang kaukulang kaso laban sa mga naarestong suspek, habang pinaigting ang operasyon upang mahuli ang iba pang sangkot sa iligal na aktibidad.

 

Follow SMNI NEWS on Twitter