Mga magulang, guro, at kabataan, nagsanib-pwersa vs CTGs

Mga magulang, guro, at kabataan, nagsanib-pwersa vs CTGs

NAGSANIB-pwersa sa kauna-unahang pagkakataon ang mga grupo ng mga magulang at guro sa National Capital Region (NCR) para talakayin ang usapin ng recruitment ng Communist Terrorist Groups (CTGs) sa mga paaralan sa bansa.

Protektahan ang mga kabataan at guro ito ang sentro sa isinagawang Assembly for Peace and Development ng grupo ng mga magulang at guro sa bansa.

Layon ng aktibidad ang mamulat ang mga kabataan, magulang, guro, komunidad, at pamahalaan sa mga delikadong grupo o organisasyon na prente ng CTGs.

Si Mrs. Gemma Labsan, presidente ng Solidarity of Parents, and Educators for Empowerment, Peace and Development, isang dating guro at isang inang hindi nakaligtas sa panlilinlang ng CTGs sa nag-iisa niyang anak habang ito’y nag-aaral ay ibinahagi ang kaniyang naging karanasan.

Batay sa kanyang testimonya, biktima ang kanyang anak ng panlilinlang ng CTGs matapos itong sumapi sa grupong Anakbayan.

“Naramdaman ko doon pagtataka kasi ako naman hindi naman ako na-recruit noong time na ‘yun. Ako bilang isa rin akong guro hindi ako napapasama sa mga ganyang organizations at wala akong kaalam-alam na merong palang mga organizations na behind sa pagre-recruit sa mga kabataan. Kasi ‘yung anak ko na-recruit ng kanyang teacher. Kasi ‘yung anak ko binigyan siya ng kanyang adviser ng isang certificate na nakalagay The President Communist Award Certificate. So, ako bilang isang magulang, bilang isang guro, bakit? Itong guro na ‘to na dapat kami ‘yung naghuhubog ng magandang morale sa kabataan, ginagabayan namin sila kung paano ang tamang pagtulong sa ating bansa, bakit siya ang humikayat sa anak ko na bakit ganito ang pag-iisip ng anak ko na kalabanin ‘yung ating gobyerno,” pahayag ni Labsan.

Ang ipinagtataka rin ni Gemma na imbes na mag-aral ang kanyang nag-iisang anak ay ibang katuruan ang nakukuha nito lalo na’t may kaugnayan kay Joma Sison.

“Napakahirap po bilang sa isang magulang lalo na po ako only child lang po ‘yang anak ko na ito and then ang hirap po na magpalaki ng anak na masyadong pong radikal. Ang sabi niya nga raw po eh hindi ko raw siya anak, anak na raw po siya ng inang masang bayan. At hindi nga raw sa apat na sulok ng paaralan matutunan ang mga pag-aaral na ganyan sa mga libro kundi raw  pumunta sa mga kanayunan at humawak nga po raw ng baril dahil ‘yun daw po ang tamang kasagutan para mabigyan ng tamang ano…mapaahon daw sa kahirapan ang ating bansa. Pero sa aming organisasyon hindi po ‘yun eh. Kami po nagpo-promote kami ng ano ‘yung totoong values po. ‘Yung limang haligi po ng edukasyon palalakasin po ang mga mag-aaral, ang mga magulang, ang ating pamayanan, ang ating pamahalaan, at ang ating mga kabataan, mga estudyante paano po magsama-sama sa isang positibong bagay, positibong gawain, positibong aktibismo na makakatulong paano maiaangat ang personalidad ng isang kabataan, ng guro, at ng ating mga paaralan,” ayon pa ni Labsan.

Para naman sa mga magulang at guro na dumalo sa aktibidad, labis ang kanilang pasasalamat sa mga nalamang impormasyon kasabay ng kanilang pangako ng paninindigan na protektahan ang kanilang mga anak, at komunidad sa bansa laban sa mga komunistang teroristang walang ibang nilalayon kundi sirain ang pamahalaan at pamilya sa bansa.

“Kailan man sa aking mga pagtuturo po ay hindi ako sumasang-ayon na makita ko ang aking mga mag-aaral na lumalaban sa estado at ganun din na namumumundok at doon ay ipinaglaban kung ano ang kanilang ipinaglalaban. Nalulungkot po akong sobra kung kaya nandidito po ako at sumusuporta sa samahan sapagka’t naniniwala akong hindi makatwiran na ang mag-aaral natin, ang mga anak ng ating mga magulang na nakikita po nating nagdurusa ay sobrang nasasaktan. Magulang din po ako at lagi kong sinasabi sa aking mga anak na nagpapasalamat ako’t hindi sila naging kasapi ng anumang samahan na ganito katulad ng mga nakikita natin. At ang aking mga mag-aaral sa awa ng Diyos po may ilan man akong nakikitang mga mag-aaral na batid kong darating ang panahon na mauunawaan nila kung bakit nakita nila si Ma’am Mangapot na nagsasalita para sa kanila ngayon hindi po para sa akin kundi para sa kanila sa darating na panahon na ayokong matulad sila sa mga mag-aaral na nasa kalye na nagsusumigaw at sa isang iglap biglang nawawala na lamang sa kani-kanilang pamilya,” pahayag ni Nenita Mangapot, Presidente ng DTU, Las Piñas Chapter, Las Piñas East NHS.

Samantala, nagbahagi rin ng kanyang pananaw, mga paalala, at karanasan sa mga kalahok ang dating kadre na si Ka Eric Celis upang maliwanagan ang publiko sa puno’t dulo ng paghihirap ng maraming Pilipino dulot ng CTGs.

“Pabagsak na sila sa armado nila ang terorismo nila na kapabilidad ay wala na. ‘Yung kanilang political infiltration, central infiltration ito ‘yung ating tinututukan. Lumalawak ngayon ang inisyatiba ng mamamayan sa iba’t ibang sektor sa kabataan merong Sambayanan Youth, merong Solidarity of Parents and Educators at may Hugpong Obrero sa Manggagawa. Nakikita natin na ang political awakening ng bansang ito dahil sa pagbibigay ng information kagaya ng ginagawa ng SMNI is a breakthrough para magkaroon ng mga counter-organizations hindi na ito mapipigilan at hindi na masosolo at ma-dominate ng CPP-NPA-NDF ang pag-organisa at pagpapakilos sa mga mamamayan,” pahayag ni Celis.

Nagtapos ang aktibidad sa pamamagitan ng pagsindi ng kandila at pagpirma ng Pledge of Support sa paglaban at pagkondena sa CTGs at tahasang pagtakwil sa mga panlilinlang na ginagawa ng makakaliwang kilusan sa bansa.

Follow SMNI News on Twitter