KANI-kaniyang diskarte ang ilang mga magulang ng mga estudyante ng President Corazon Aquino Elementary School sa Quezon City para maibsan ang epekto ng matinding init na nararamdaman ng kanilang mga anak sa loob ng mga silid-aralan.
Kasabay kasi ng pagsisimula ng panahon ng tag-init ay ang nararanasang El Niño.
Si Anna, bilang magulang, ay nag-aalala sa kaniyang anak na si Terestine dahil sa init ng panahon.
Kaya naman aniya hindi niya nakakalimutang magpabaon ng lampin at isang tumbler ng tubig sa kaniyang anak.
“Syempre kasi sa sobrang init lalo na sobrang pawisin niya. Kapag hindi nakatutok ‘yung electric fan para na siyang naliligo sa tubig,” ayon kay Anna Marie Dalut, Magulang.
Wala naman aniyang humpay na pinaalalahanan ni Ferlyn ang kaniyang anak na si Jason sa mga dapat gawin ngayong panahon ng tag-init.
“Inom ng tubig araw-araw at tsaka mag-ano ng towel sa likod. Hindi siya magpatuyo ng pawis,” ayon naman kay Ferlyn Bebiano, Magulang.
Bukod sa bimpo at tubig, ipinapadala naman ni Aljean sa kaniyang anak na si Ayesha ang isang mini portable fan.
“Syempre ito rin. Minsan mainit din kasi sa room hindi natin maiwasan,” ani Aljean Laurente.
Sa ngayon, wala pang mga paaralan sa Metro Manila ang nagsuspinde ng kanilang mga klase.
Ilang lokal na pamahalaan, sinusupinde ang klase dahil sa matinding init
Pero ilang lokal na pamahalaan na sa Visayas at Mindanao ang nag-suspinde ng face-to-face classes sa public at private school nitong Lunes dahil sa mataas na heat index o damang init.
Una nang sinabi ng Department of Education na batay sa kanilang ipinalabas na kautusan noong 2022, may kapangyarihan ang mga pamunuan ng mga eskwelahan na magsuspinde ng face-to-face class at mag-shift online kung nakikita nilang nakakaapekto ang matinding init sa pag-aaral ng mga bata.
“Kung kayo po ay nakaka-experience ng extreme heat sa inyong lokalidad, nasasainyo po ang kapangyarihan to shift ang inyong face-to-face classes to online classes,” pahayag ni Asec. Joey Villarama, Spokesperson, Task Force El Niño.
May payo naman ang Task Force El Niño sa mga magulang para sa mga anak nilang mag-oonline classes.
“At ang paalala po natin palagi lalo na sa mga bata po diba na painumin ng tubig palagi at ilagay sila sa malilim o sa mas preskong lugar sa bahay para hindi lang po makapag-aral sila nang mabuti kundi po hindi rin magkaroon ng adverse effects sa kanilang kalusugan,” dagdag ni Villarama.
Sa ngayon, pinapayagan ng DepEd ang mga guro at mga estudyante na mag-suot ng komportableng damit sa halip na uniform.
“Yes, that is the logical thing to do. Subject of course to dress codes,” saad ni Asec. Francis Bringas, Deputy Spokesperson, Department of Education.
Una nang sinabi ng PAG-ASA, mas lalo pang iinit hanggang Mayo na aabot sa 37 hanggang 38 degrees ang average temperature habang nasa 40 hanggang 43 degrees naman ang heat index.