Mga magulang na isusubo sa online sexual exploitation ang kanilang mga anak, makukulong panghabambuhay – DOJ

Mga magulang na isusubo sa online sexual exploitation ang kanilang mga anak, makukulong panghabambuhay – DOJ

HABANG buhay na pagkakabilanggo ang sasapitin ng mga magulang na isusubo ang kanilang mga anak sa Online Sexual Exploitation of Children (OSEC).

Ito ang babala ni Department of Justice Secretary Boying Remulla sa mga magulang na isasadlak ang kanilang mga anak sa online sexual exploitation.

“Ano ho ito, life imprisonment po sa mga magulang na magpa-participate nito. At nawawala ang parental authority sa kanilang mga anak. Yan po ang i-aassure ko sa inyo,” pahayag ni Remulla.

Giit ni Remulla, disiplina ang kailangan laban sa mga magulang na ito na hinahayaang kinukunsinte ang kanilang mga anak sa sumali sa ganitong gawain.

Nangako rin si Remulla na hahabulin ang mga sindikatong nagpapatakbo ng mga online child prostitution.

“Alam niyo ang deterrent lang naman sa crime is certainty of punishment. Kaya dapat talaga laganap, talagang magkakasama talaga kapit-bisig ang mga agencies at saka ang prosecution para sigurado talagang ma-convict natin itong mga ito at mailagay natin sa mga selda na wala na silang pag-asa sa buhay kundi antayin ang oras na lumipas sa buhay nila,” ayon kay Remulla.

Diin pa ng Justice Secretary na trabaho ng pamahalaan na proteksyunan ang mga kabataan kaya hihigpitan nila ang pagpatutupad ng batas.

“Yon nalang po eh. Wala po tayong magagawa dito kundi paghigpitin ang lahat, hulihin ang lahat, ikulong ang lahat kundi po susunod sa batas. At lalong-lalo na na yung talagang paglabag sa batas ay balewala sa kanila yan po tuturuan natin ng leksyon yan,” ani Remulla.

Iba’t ibang ahensiya ng gobyerno ang kasama laban sa OSEC tulad ng DICT, DILG at DSWD.

Kasama dito ang Anti-Money Laundering Council para ‘awatin ang payment system’ ng mga parokyano ng OSEC.

Katuwang din ng DOJ sa laban na ito ang PNP at NBI para sa enforcement.

Nanawagan naman si Remulla sa lahat ng internet service provider na lagyan ng filters ang kanilang sistema para dito.

Lalo pa’t number 1 target ang Pilipinas sa OSEC.

“Kaya ito po ay aming ginagawan ng paraan upang maawat na ito. At tingin naming within 1 year mawawala po tayo sa listahan na ito pagka matulungan ang buong lipunan natin lalo na ang ating ISPs. Lalo na ang ating kagawaran, ang ating Kamara de Reperesentantes at Senado at ang lahat po ng ating law enforcement agencies. Dapat ho tumigil na ito, nakakahiya po at nakakapanlumo itong mga ginagawang ganito,” dagdag ni Remulla.

Tutulong naman ang DOJ sa pagkupkop sa mga bata na babawiin sa kanilang mga iresponsableng magulang kapag nahuli na dawit sa kalakaran sa online child exploitation.

Bukas naman si Sec. Remulla sa mungkahi na magkaroon ng online police force na hahabol sa mga masasamang loob sa internet.

 

Follow SMNI News on Twitter