Mga makakaliwang grupo, binatikos ni Pastor ACQ kaugnay sa CTG recruitment

Mga makakaliwang grupo, binatikos ni Pastor ACQ kaugnay sa CTG recruitment

KINUWESTIYON ni Pastor Apollo C. Quiboloy ng The Kingdom of Jesus Christ ang mga makakaliwang grupong nag-iingay kaugnay sa isyu ng umano’y red-tagging at recruitment ng mga kabataan sa teroristang grupong New People’s Army (NPA).

Ito ay matapos matalaga si Vice President Inday Sara Duterte sa National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) kung saan kaliwa’t kanang batikos ang tinanggap nito mula sa Kabataan Party-list, Bayan Muna, ACT Teachers, Karapatan at iba pang mga makakaliwang grupo.

Sa programa niyang Powerline nitong Mayo 19, ani Pastor Apollo kung hindi sang-ayon ang mga nasabing grupo sa pagkakatalaga kay VP Sara sa task force ay hindi rin sang-ayon ang mga ito sa layuning tapusin ang insurhensiya sa bansa.

“Kung kayo ay ayaw kay Vice President Sara na maging co-vice chair ng NTF-ELCAC, ayaw ninyong matapos ang local communist armed conflict, ‘di ba? Ang mission ng NTF-ELCAC matapos na. Paano matatapos? Mawawala na ang recruitment sa mga paaralan. Sino ang umaalma? Kabataan, Bayan Muna, ACT Teachers, Karapatan, pagkatapos ayaw ninyong, red-tagging na naman kami. Pero taga-gobyerno kayo, inaayawan ninyo ang mga gawa ng gobyerno? Maliwanag na maliwanag nagpapakamanok kayo, mga ahas kayo,” ayon kay Pastor Apollo.

Pahayag pa ng butihing Pastor na hindi na malilinlang ang taumbayan ng mga taktika ng mga makakaliwang grupo sa usapin ng red-tagging.

“Hindi niyo na kami malilinlang pa. You cannot deceive us and fool us like you did before. SMNI will be here at ang lahat ng nariritong bayan – bayan na niloko ninyo for 54 years, bayan na inuto-uto ninyo for 54 years. Mulat na mulat na ang mga mata,” saad ng butihing Pastor.

Hinamon naman ni Pastor Apollo ang Kabataan Party-list na pangalanan ang mga nagre-recruit sa mga kabataan na maging myembro ng rebeldeng grupong NPA.

“Sa ilang tanong ko, pwede bang sabihin niyo sa akin sino ang nagre-recruit sa mga paaralan na mga aktibista hanggang naging rebeldeng komunistang NPA na nandoon sa bundok at marami sa kanila ang mga nangamatay. Sinong nag-recruit sa kanila? Hindi ka makasagot ano? Red-tagging ba ‘yun? Red-tagging sa inyong mata,” ani Pastor Apollo.

Matatandaang ilang beses nang isiniwalat ng mga dating miyembro ng mga komunistang teroristang grupo ang mga prenteng organisasyong ginagamit ng Communist Party of the Philippines upang maka-recruit sa NPA.

Kabilang na rito ang Anakbayan, Gabriela, League of the Filipino Students, Kabataan Party-list at marami pang iba.

Kaya naman pagdidiin ng butihing Pastor, ngayong marami na ang naliliwanagan kaugnay sa ginagawang panlilinlang ng mga nasabing grupo, hindi na aniya ang mga ito mamamayagpag.

‘’Kung sinabi kong nag-recruit kay Chad Booc ang Gabriela o Anakbayan, ano, red-tagging ba ‘yun? O truth-telling? Tingnan ninyo, noong wala pa ang SMNI, namamayagpag kayo sa inyong pagsisinungaling at panloloko sa taumbayan. Hindi na niyo magagawa ‘yan,’’ dagdag nito.

Matatandaang inilaan ni Pastor Apollo ang programa nitong Laban Kasama ang Bayan upang maging katuwang ng pamahalaan para sa information war laban sa mga komunistang teroristang grupo.

Follow SMNI NEWS in Twitter