Mga makina ng Miru Systems para sa 2025 elections, sinabak na sa pagsusuri

Mga makina ng Miru Systems para sa 2025 elections, sinabak na sa pagsusuri

DUMATING na sa bagong warehouse ng Commission on Elections (COMELEC) sa Laguna ang initial batch ng automated counting machines (ACMs) ng Miru Systems na gagamitin para sa 2025 midterm elections.

Ayon kay COMELEC Chairman Atty. George Garcia, nasa mahigit 27,000 na ACMs ang dumating na sa bansa.

Ang iba’t ibang component ng mga makina ay sinimulan nang isalang sa hardware acceptance test para malaman kung lahat ng ito ay gumagana.

For example ‘yong screen, ‘yong touch screen niya, ‘yong scanner gumagana ba, ‘yong mismong audio gumagana ba lalo na ‘yong gagamitin ng mga persons with disability (PWDs) natin na gustong mapakinggan kung sinong pagpipilian nila,” wika ni Atty. George Garcia, Chairman, COMELEC.

Kahapon, araw ng Miyerkules, ay nasa 856 na Miru machines na ang tapos suriin.

Ayon kay Garcia, may tatlo sa mga makina ang nakitaan ng problema na agad namang naayos.

“Kung kahit isa sa mga components tulad ng audio, ay nag-fail, kaagad na isinasantabi ‘yong mismong buong VCMs na ‘yan. So far, napansin lang na ilang piraso na ang problema ay ‘yong audio. Kaagad itong nareremedyuhan, kaagad itong naayos. Kaya kaagad din nailalagay na doon sa batch na natapos na ‘yong makina na ‘yan. Ito ang pinakaimportant sa rule, for every batch of delivery, 5 percent of the total of VCMs will undergo stress test,” dagdag ni Garcia.

Kapag nakita sa test na may isang component ng makina na sira o depektibo, ay kailangan palitan ng Miru ang buong makina.

Para sa eleksiyon, maglalagay ng 110 repair hub ang COMELEC.

Kasama ito sa napagkasunduan ng komisyon kasama ang service provider.

Maglalagay rin sila ng technician sa bawat polling precinct na agad na titingin kung magkakaroon ng problema sa mga makina.

“Kapag may isang makina na nagka-problema, ang unang nakalagay sa protocol na mayroon tayong technician bawat polling place. ‘Yong technician muna ang gagawa ng paraan. Baka nagkamali lang kasi ang teacher etc. Kung ang talagang defect o ‘yong SD cards ang problema, itatakbo agad iyan thru the fastest means possible sa ating repair hubs na kasalukuyang kasama rin sa commitment at nakabundle sa kontrata ng Miru. Ibig sabihin ang mga repair hub, Miru ang magproprovide. Miru ang gagastos niyan,” ani Garcia.

Para sa buwan ng Oktubre, inaasahan ng COMELEC na maide-deliver ang panibagong 30,000 na automated counting machines, at sa buwan ng Nobyembre ay ang balanse sa 110, 000 na makinarya.

Samantala, maliban sa ACMs ay dumating na rin ang 2,000 mula sa 7,000 na STARLINK na gagamitin para sa transmission ng resulta ng botohan.

Ito ay bahagi naman ng kontrata ng komisyon sa IONE Resources Inc.

80 dito ay sinalang na rin sa test.

“At the same time sinusubukan sa Starlink kung lahat din ng component ay gumagana at nakaka-receive nang maayos ng transmission,” dagdag ni Garcia.

Dumating na rin ang mahigit dalawang libong laptops na gagamitin sa halalan na isasalang din sa hardware acceptance test sa susunod na linggo.

Balak ng komisyon na maglagay ng isang laptop sa kada canvassing area para sa transmission.

Ayon sa COMELEC ang lahat ng makinarya ilang araw bago ang eleksiyon ay muling isasabak sa field testing, mock elections, final testing and sealing bago sila tuluyang gagamitin sa araw ng halalan.

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble